Magandang umaga. Ako po ay isang Pilipina. Dumating ako sa Italya bilang isang turista. May oportunidad upang ako ay makapag-trabaho dahil may employer na gusto akong kunin bilang colf. Maaari ba akong manatili sa Italya at magkaroon ng permit to stay?
Agosto 25, 205 – Ang mga Pilipino ay maaaring magtungo sa Italya para sa turismo, sa pamamagitan ng isang balidong entry visa para sa maikling panahon o short stay tourist visa na balido hanggang tatlong (3) buwan.
Ang Pilipinas, ay walang kasunduan hanggang sa kasalukuyan sa bansang Italya kung kaya’t kakailanganin ang balidong tourist visa sa pagpasok sa bansa. Sa mga bansang mayroong kasunduan, ay hindi na ito kakailanganin, ngunit nananatili ang limitasyon ng tatlong buwang pananatili.
Sa pagkakaroon ng tourist visa ay hindi na kailangang mag-aplay ng permit to stay ngunit dapat mag-report ukol sa presensya (dichiarazione di presenza). Ang sinumang darating mula sa mga non-EU countries ay pati-timbruhan ang pasaporte sa immigration ng bawat frontier. Samantala, ang mga darating naman sa Italya matapos pumasok sa ibang Schengen country, ay kailangang gumawa ng deklarasyon sa himpilan ng pulisya (Questura) sa loob ng walong (8) araw, maliban na lamang kung mananatili sa isang hotel o bed and breakfast na syang gagawa ng nabanggit na komunikasyon sa awtordad.
Sa pananatili sa Italya bilang turista, ang mga dayuhang mamamayan ay hindi maaaring mag-trabaho. Dahil ang sinumang mage-empleyo sa dayuhang mayroong tourist visa ay pinapatawan ng parusa katumbas sa page-empleyo sa undocumented na dayuhan. Matapos ang validity ng entry visa ay kailangang bumalik sa Pilipinas, kung hindi ay ituturing na undocumented o overstayer na maaaring patalsikin.
Samakatwid, ano ang maaaring gawin ng isang turista na makakatanggap ng magandang oportunidad sa trabaho?
Hindi madali ang proseso: maaari lamang bumalik sa Pilipinas kasabay ang pag-asa na sa pamamagitan ng decreto flussi, ay makapasok muli sa Italya. Sa puntong ito, ang future employer ay maaaring magsumite ng aplikasyon (domanda di assunzione) at kung papalaring makapasok sa quota, ay makakapasok bilang worker ang Pilipino at tuluyang mae-empleyo.