Nais kong petisyunin ang aking asawa sa pamamagitan ng ricongiungimento familiare. Ako ay kasalukuyang nangungupahan sa isang apartment. Anu-ano ang mga dokumento na aking dapat ihanda?
Sa pagsusumite ng aplikasyon ng family reunification, ang aplikante ay dapat na matugunan ang mga kundisyon na hinihingi ng batas. Kabilang dito ang patunay ng pagkakaroon ng angkop na tahanan.
Ang isang tirahan ay maituturing na angkop o idoneo kung matutugunan ang mga pangunahing pamantayan ng kalusugan at kalinisan pati ang kinakailangang laki nito sa pamamagitan ng isang partikular na sertipiko buhat sa Comune, ang idoneità alloggiativa.
Para sa aplikasyon ng family reunification ay kinakailangan ang pagkakaroon ng nabanggit na sertipiko at dokumentasyon na nagpapatunay ng ‘katayuan’ ng aplikante sa tirahan. Sa katunayan, ang dokumentasyon na dapat isumite sa Sportello Unico per l’Immigrazione ay nag-iiba batay kung ang aplikante ang may-ari ng tirahan, kung bisita o kung umuupa dito.
Ang may-ari ng tirahan ay kailangang ipakita ang kopya ng atto di proprietà na rehistrado sa Agenzia dell’Entrate. Samantala, ang sinumang mayroong rehistradong upa sa apartment o contratto di locazione (na nakapangalan sa aplikante) ay kailangang ilakip ang kopya nito sa aplikasyon.
Kung ang aplikante naman ay isa lamang bisita sa apartment (tulad ng mga naka-live in na colf na nais petisyunin ang asawa) kung saan maninirahan din ang pinipetisyon ay kailangang ilakip ang kopya ng dichiarazione di ospitalità buhat sa may-ari o sa umuupa ng apartment kasama ang kopya ng dokumento na nagpapatunay sa pagkakaroon ng tirahan buhat sa taong nagpapahintulot sa aplikante (hal. ang contratto d’affitto o ang atto di proprietà). Kinakailangan rin ang deklarasyon ng pahintulot o dichiarazione del consenso mula sa may-ari ng apartment na patirahin bilang bisita ang pinipetisyong asawa lakip ang kopya ng dokumento nito. Ang deklarasyong nabanggit ay gagawin gamit ang form MOD. T2.
Sa ibang partikular na kaso, kung ang aplikante na mayroong contratto di comodato gratuito o kontrata ng libreng pinatitira na rehistrado sa Agenzia delle Entrate. Kahit sa ganitong pagkakataon, sa aplikasyon ng family reunification ay kailangang ilakip ang kopya ng contratto di comodato gratuito, gamit ang form MOD. T2 bilang pahintulot ng may-ari ng apartment na patuluyin ang pinipetisyong asawa.