in

Ano ang required salary sa pag-aaplay ng Italian citizenship at paano ito kinakalkula?

Matagal na akong naninirahan sa Italya at nais kong maging ganap na Italian citizen. Ano ang required salary sa pag-aaplay ng Italian citizenship?

 

Ang minimum salary sa paga-aplay ng Italian citizenship by residency ay € 8,500 kada taon ng tatlong taong required bago ang pagsusumite ng aplikasyon. Ang sahod ay kailangang buhat sa lehitimong paraan tulad ng subordinate job o self-employment at maaaring patunayan sa pamamagitan ng income tax return: 730 o Modello Unico; o sa pamamagitan ng CU o certificazione unica (dating CUD).

Sa Circular K. 60.1 ng 05/01/2007, ay hiningi ng Interior Ministry sa administration ang suriin ang sahod ng aplikante batay sa kabuuang sahod ng pamilya nito at hindi batay sa indibidwal na sahod. Ang tinutukoy sa ‘pamilya’ o ‘nucleo familiare’ ay ang mga nabibilang sa family status o stato di famiglia.

Ito ay nangangahulugan na kung ang dayuhang aplikante ay nagsumite ng aplikasyon at hindi umabot sa minimum salary required o ang € 8,500 kada taon ng tatlong taong hinihingi ng batas, at maaaring isama o idagdag ang sahod ng miyembro ng pamilya. Sa ganitong kaso, ang minimum salary ay magiging € 11,500 sa kasong dependent ang asawa at karagdagang € 550 para sa bawat dependent na anak.

Ito ay ipinatutupad upang mapahintulutan din ang ibang miyembro ng pamilya na magsumite ng aplikasyon. Ito ay kahit na hindi nagtataglay ng sapat na sahod o kita ngunit kung carried o dependent naman at kumpleto naman sa ibang requirements na hinihingi ng Legge n. 91/92.

Ang halagang € 8.500, kada indibidwal ay katumbas ng kita o halagang kinakailangan para magkaroon ng exemption sa health expenses.

Ang requirement na ito ay mahalaga sa pagsusuri ng aplikasyon, dahil kailangang patunayan ng aplikante ang pagkakaroon ng sapat na mapagkukunang pinansyal upang matugunan ang sariling pangangailangan. Sa pagkakaroon ng Italian citizenship, ang aplikante ay magkakaroon ng parehong karapatan at obligasyon tulad ng lahat ng mga mamamayang italyano. Dahil dito ay salungat sa kapakanan ng publiko kung ang bagong mamamayan ay walang sapat na trabaho para matugunan ang sariling pangangailangan gayun din ng kanyang pamilya.

Bukod dito, batay sa batas bilang 15/2005 at bilang 80/2005, ang public administration ay kailangang hingan ang aplikante ng anumang update sa sahod, na pabor sa ikabubuti ng kanyang katayuang pinansyal, bago ang anumang pagtanggi, lalong higit kung mahaba na ang panahong lumipas mula sa pagsusumite ng aplikasyon.

 

ni: Maria Elena Arguello 

isinalin sa tagalog ni: Pia Gonzalez-Abucay

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Ang Pasko’y Parating

Volleyball Women’s Rome Team, Kampeon ng Inter-Europe