Naririnig natin ang balita na ang Pilipinas raw ay isa nang bansa na investment grade. Naging magandang balita ito, at sabi nino?
Ano nga ba ang investment grade?
Ito ay ang marka na ibinibigay ng mga ratings agency matapos ang kanilang pagsusuri sa isang bansa, sektor o kompanya patungkol sa kakayahan nitong magbayad ng kanilang pagkakautang. Ang mga ratings agency sa buong mundo ay marami, pero tatlo ang pinakamalaki: Fitch, Standard and Poors, at Moody’s.
Ang mga marka ay nahahati sa mga tinatawag na junk o investment grade. Kapag ikaw ay nasa junk status, ibig sabihin ay ikaw ay maaring hindi makabayad. Ang katumbas nito ay mataas na interes sa kanilang pagkakautang. Ang mga nasa investment grade naman ay nabigyan ng tiwala na kaya nilang bayaran ang kanilang mga utang ay mababa na ang interest.
Sa bawat status ay may iba’t ibang levels. Sa matagal na panahon ang Pilipinas ay nasa junk status kaya ang interest sa ating mga utang ay napakataas. Kaya ang balitang ito ay maganda, lalo pa at humigit kumulang sa US$50 bilyon pa ang pagkakautang ng Pilipinas sa labas. Fitch ang nagbigay ng upgrade sa Pilipinas. Ikalawa ang Standard and Poors at hinihintay pa ang resulta ng pagsusuri ng Moody’s.
Paano ba tayo maapektuhan ng magandang balitang ito? Sa pangkalahatan ay makakatulong ito sa pagbaba ng bayarin sa ating utang. Ito rin ay inaasahan na maghihikayat pa ng foreign investments sa ating bansa. Ang ibig sabihin nito ay hindi magiging direkta ang epekto nito sa ating buhay. Kailangan pang kumilos ang ating pamahalaan, at ang mga Pilipinong namumuhunan, na gamitin ang pagtitiwalang ito upang ayusin ang mga struktura ng ekonomiya upang ang mga papasok na foreign investments ay magagamit sa pagtayo ng mga imprastraktura, pagawaan, pagpapalago ng agrikultura at, higit sa lahat, sa pagkakaroon ng marami pang trabaho —lalo na sa kanayunan kung saan napakataas ng kahirapan.
Hindi dapat kaunti ang makinabang sa balitang ito. Dapat maikalat sa nakararami ang darating na benepisyo pagkakaroon natin ng investment grade. Ang investment grade ay panawagan sa atin ng mga foreign investor na tila nagsasabing kami ay nagtitiwala sa inyo upang ayusin ninyo ang inyong bayan na magkaroon ng pagbabago, upang ang mga ilalagak naming puhunan ay magiging productive! Sa kabilang banda, ang inaasahang pagdami ng foreign investments dito ay maari ring makaaapekto sa palitan ng piso at gawin pa itong lubos na malakas. Isang sitwasyon na lalong magpapaliit ng kita ng mga Pinoy Abroad (o overseas Filipinos) at ng ating export.
Kaya ang ibig sabihin ng investment grade ay tiwala at kapalit nito ay ang ating pagsisikap na katumbasin ito ng pagbabago upang makinabang ang nakakararami sa lalong madaling pahanon.
Sa pagtatapos, isang patunay na pinagpala ang Pilipinas ay ang pagkakaloob ng investment grade sa atin kahit na isa sa mga basehan ang kita ng mga tao ng isang bayan. Inamin ng Fitch na ibinigay nila sa Pilipinas ang investment grade kahit na mababa pa ang kita ng mga tao – isang exception to the rule ika nga. Gamitin nawa natin ang pabor na ito sa tama. (Alvin Ang – The Filipino Connection)