Ako ay isang Pilipina at nagta-trabaho bilang isang colf. Dahil sa aking mahigpit na pangangailangan ay nais kong hingin ang aking separaton pay? Maaari po ba ito at paano?
Ang separation pay o kilala bilang trattamento di fine rapporto o TFR ay ang kabuuang halagang dapat ibigay sa manggagawa sa pagtatapos ng empleyo anuman ang dahilan nito – maaaring pagtatapos ng kontrata, pagtatanggal o pagbibitw sa trabaho – upang pinansyal na makatulong sa pagkawala ng inaasahang sahod.
Ito ay nakalaan maging sa mga kasambahay tulad ng colf, caregivers at babysitters sa pagtatapos ng kanilang trabaho.
Ang kalkulasyon ng tinatawag na liquidazione para sa mga domestic workers ay simple lamang: ang sumatutal ng mga natanggap na sahod sa buong taon, kasama ang 13th month pay, ang board and lodging kung mayroon at ang kabuuan nito ay idi-divide sa 13.5. sa ganitong paraan ay makukuha ang halaga ng TFR para sa isang taon ngunit dapat isaalang alang ang coefficients ng revaluation nito na nagbabago taun-taon.
Ang TFR ay kailangang ibigay sa pagtatapos ng empleyo o trabaho ngunit sa ilang kaso ay maaaring ibigay ng mas maaga kahit na ang manggagawa ay nananatiling nagta-trabaho sa parehong employer. Ang employer ay kailangang ibigay ito ng mas maaga sa kahilingan ng manggagawa, ng hindi lalampas sa isang beses sa isang taon at hanggang sa 70% lamang ng kabuuang kalkulasyon.
Bukod sa kasong nabanggit sa katanungan, ang worker at employer ay maaaring magkaroon ng ibang kasunduan tulad ng pagbibigay ng TFR buwan buwan o taun-taon dahil sa partikular na pangangailanagn ng worker o dahil sa conveniency ng employer upang hindi mahirapan sa pagbibigay ng malaking halaga sa pagtatapos ng empleyo.
Gayunpaman, palaging ipinapayo ang pagkakaron ng isang kasulatan o ang quietanza liberatoria, bilang batayan sa tunay na pagtatapos ng empleyo sa hinaharap at proteksyon ng parehong employer at worker.
ni: Atty. Mascia Salvatore
isinalin sa tagalog ni: Pia Gonzalez-Abucay