Magandang araw. Ako po ay tumatanggap ng assegno sociale mula sa Inps ilang taon na. Kung sakaling ako ay uuwi ng Pilipinas ng ilang buwan, matitigil ba ang pagtanggap ko ng assegno sociale?
Ang assegno sociale ay isang welfare benefit na kinikilala ng batas ng Italya sa sinumang makakatugon sa mga requirements nito kahit hindi nakapaghulog o nakapagbayad ng kinakailangang kontribusyon para sa old age pension o pensione di vecchiaia.
Maaaring mag-aplay ng nabanggit na benepisyo ang mga dayuhang sampung taon ng regular ang paninirahan sa Italya at mayroong EC long term residence permit o dating carta di soggiorno, bukod pa sa pagkakaroon ng mababang sahod at pagkakaroon ng itinalagang edad na nagbabago taun-taon.
Gayunpaman, upang patuloy na matanggap ang benepisyo ay kinakailangang manatili ang pagiging residente sa bansa sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na paninirahan dito.
Sa katunayan, ang social allowance ay isang benepisyong hindi maaaring matanggap sa ibang bansa, maliban sa Italya lamang. At ang paglabas o pananatili ng higit sa isang buwan sa Pilipinas o anumang bansa labas ng Italya ay magiging dahilan upang pansamantalang mahinto ang pagtanggap nito, maliban na lamang kung mapapatunayan ang matindi at hindi maiiwasang dahilan na naging sanhi ng pananatili ng higit na panahon sa labas ng Italya.
Bukod dito, matapos ang isang taong suspension mula sa Inps sa pagbibigay ng benepisyo at mapapatunayan ang pananatili ng naturang sitwasyon ay magiging sanhi ng tuluyang pagpapawalang-bisa dito.
Basahin din:
Higit sa 500 irregular social pensioners, natuklasan ng GdF
Assegno sociale, ano ito at ang halaga nito sa mga dayuhan