Ang mga dayuhan na may aplikasyon bilang asylum seekers (asilo politico, status di rifugiato/protezione sussidiaria) ay maaaring mag-aplay sa unang hakbang ng kasalukuyang regularization o ang Emersione. Hindi sila maaring mag-aplay sa ikalawang hakbang o ang para sa permesso di soggiorno temporaneo.
Samakatwid, ang isang asylum seeker na nagtrabaho ng hindi regular o ‘nero’ sa isa sa mga sektor na napapaloob sa dekreto o may job offer sa isa sa mga sektor na ito, ang employer (sa parehong nabanggit na kaso) ay maaaring magsumite ng aplikasyon ng Emersione para sa asylum seeker.
Kailangan bang iatras o pawalang-bisa ang aplikasyon bilang asylum seeker?
Hanggang sa kasalukuyan ay walang opisyal na tugon o anumang balita mula sa mga mambabatas.
Kinikilala lamang sa ngayon ng maraming eksperto sa tema ng imigrasyon ang mga inilabas na Circular ng ilang Questure kung saan nasasaad na sa oras ng pagsusumite ng employer ng aplikasyon ng regularization para sa isang asylum seeker, ay hindi kailangang iatras o pawalang-bisa ang aplikasyon.
Sa katunayan, ay hindi kinakailangan ang pagkakaroon ng pasaporte sa oras ng aplikasyon at ang kawalan nito ay hindi hadlang para sa employer na magsumite ng aplikasyon.
Ngunit kung ang resulta sa pagsusuri ng Questura at ng mga concerned offices ay positibo, at ang employer at worker ay kailangang pumirma sa contratto di soggiorno, sa puntong ito ay kailangang kunin ang orihinal na pasaporte mula sa awtoridad at upang makuha ang pasaporte ay kailangang iatras o pawalang-bisa ang aplikasyon bilang asylum seeker.
Gayunpaman, tulad ng nabanggit sa itaas, isaalang-alang na ito ay batay sa interpretasyon ng iba’t ibang Questure.