Roma- Hulyo 31, 2012 – Inilathala kamakailan ang publikasyon ng ‘Sanctions decree’ kung saan napapaloob ang Regularization ng mga irregular immigrants na pumasok sa bansang Italya ng Dec. 31, 2011. Ang pagpasok at pananatili sa bansang Italya simula sa nasabing petsa ay mapapatunayan sa pamamagitan ng mga dokumentasyong nanggaling sa tanggapang publiko lamang. Ang mga ilalabas at ilalathalang Implementing Rules and Guidelines ang tutukoy at magsasaad kung anu-ano ang mga dokumentasyong ito.
Sa kasalukuyan, habang hinihintay ang paglalathala ng Interministerial Decree, ay ipinapayong ihanda o hanapin ang anumang patunay buhat sa anumang tanggapang publiko sa Italya na maaaring gamitin sa Regularization na magsisimula sa Sept. 15 tulad ng:
1. Pasaportena may stamp of arrival mula sa Fiumicino Airport o buhat sa ibang airport sa Italya.
2. Anumang medical certificates na mayroong petsa hanggang Dec. 31, 2011. Maaaring hospital admission, dahil regular man o hindi sa bansang Italya ay mayroong karapatang magpagamot sa anumang klinika o ospital publiko o pribado man. Maaari rin namang STP (o Straniero Temporaneamente Presente).
Nananatiling isang mabigat na katanungan kung ang aplikasyon ng renewal/lost passport, ay maaaring gawing patunay ng pananatili sa bansa. Ngunit tulad na rin ng nabanggit, ay kailangang hintayin ang publikasyon ng dekreto ng pamamaraan. Bagaman, maaaring i-assume na ang Embahada/Konsulado ay isang tanggapang publiko at anumang sertipikasyon buhat dito na mayroong petsa bago at hanggang Dec. 31, 2011 ay sinasabing maaaring tanggapin bilang patunay ng pananatili sa bansa.
Samakatwid, ang aplikasyon ng renewal o lost passport na mayroong petsa ng 2012 ay hindi ipinapayo.
Gayunpaman, ukol pa rin sa nalalapit na simula ng Regularization, ayon sa Embahada ng Pilipinas, hindi dapat na mag-apply ng “LOST PASSPORT”, kung hawak naman ng aplikante ang pasaporto nya. Kahit ano pa man ang status ng Pilipino sa Italya (maging turista, TNT, o undocumented), pinapayuhang mag-aplay sa REGULAR RENEWAL nito, (regardless of the validity) para sa mas mabilis ang releasing ng nasabing dokumento.
“Application of LOST PASSPORT needs verification from DFA Manila, and Releasing will take at least 5 to 6 months. Sa tagal ng releasing ng LOST PASSPORT application, siguradong hindi aabot ang kababayan natin na gustong mag-apply para sa Sanatoria. Hindi po dapat mag-alala ang ating mga kababayan sa paghahayag ng anumang dahilan ng mas maagang renewal ng mga pasaporte”, ayon kay Vice Consul Jarie Osias ng Embahada ng Pilipinas.
Muli, mula sa bumubuo ng Ako ay Pilipino at Stranieri in Italia, inuulit namin na nailathala na ang Regularization o Sanatoria noong nakaraang June 25 ngunit ang Implementing Rules and Guidelines ay ilalabas pa lamang ng mga Ministries sa mga susunod na linggo. Kung ano ang nilalaman nito ay aming ipinanganagakong ilalathala sa pamamagitan ng Ako ay Pilipino website sa wikang italyano at wikang tagalog.