Ayon sa pag-aaral ng mga eksperto ng “epidemiology” (o ang pag-aaral ng epidemiya o mabilis na pagkalat ng sakit) makakatulong ang tinatawag na “social distancing” upang maiwasan ang kontak sa pagitan ng isang taong may impeksyon o sakit sa ibang tao na walang sakit, at sa ganitong paraan ay mapapababa ang bilang ng mga nahahawa, nagkakasakit at namamamatay buhat ng epidemiya. Ito ay sinasabing epektibo sa mga kaso ng “droplet transmission” (o mga sakit na naisasalin sa iba sa pamamagitan ng pag-ubo o pagbahing) kagaya ng pagkalat ng sinasabing novel coronavirus (COVID 19).
Ang mga paraan ng Social Distancing ay:
- pagsasara ng mga paaralan o pagsuspendido ng mga klase
- pagsasara ng mga “non-essential” na mga pasukan ng trabaho o mga “non essential” na mga negosyo
- isolation
- quarantine
- pagkansela sa mga malaking pagtitipon ( misa, sports, concerts, film shows, atbp.)
- pagsasara o pag -lilimita ng biyahe ng malakihang transportasyon ( tren, bus, eroplano, cruise)
- pagpapasara ng mga recreational centers (gym, spa, swimming pools, atbp)
- ang mga tinatawag na “self-shielding measures” ng mga indibidwal upang malimitahan ang pakikisalamuha sa iba (gaya halimbawa ng paglilipat ng mga gawain online)
Bukod sa social distancing, nananawagan din ang mga pamahalaan ng gobyerno na sumunod ang mga tao sa iba pang paraan upang maiwasan ang pagkalat ng sakit gaya ng pag-obserba ng proper hand hygiene, pagsusuot ng protective mask kung ikaw ay may sintomas ng sakit o pinaniniwalang maaring carrier nito o nasa lugar ng maraming tao gaya ng supermarket.
Kaakibat sa pagpapaliwanag ng mga paraan upang mapigilan ang mabilis na pagkalat ng COVID 19 ang graph na tinatawag na “flatten the curve”. Ipinakikita ng graph na ito ang dalawang scenario o maaring mangyari. Ang una ay ang di pagsunod sa mga panuntunan ng pag-iingat (gaya ng social distancing, proper handwashing). Sa scenario na ito makikita na ang kurba ng dami ng kaso ng impeksyon at tumataas, lumalagpas pa sa kakayanan na tugunan ito ng limitasyon ng healthcare system. Sa pangalawang scenario, makikita ang pag-sunod sa mga pag-iingat, kung kaya makikita ang pagbaba ng kurba o bilang ng kaso ng impeksyon. Nagiging mas mababa ito sa limitasyon ng healthcare system, kung kaya’t ito ay makakayanan nilang tugunan.
Ang healthcare system ng isang bansa ay limitado lamang sa numero ng mga tauhan (gaya ng doktor at nurses), gamit (gaya ng ventilator) at bilang ng mga intensive care units. Kung dadagsa ang mga taong may sakit buhat ng kulang na prevention measures na naisagawa, babagsak ang healthcare system at lalo tayong lahat mapupunta sa peligro. Sa pananatili natin sa tahanan at pagsunod sa “social distancing” matutulungan natin ang mga maysakit na magkaroon ng lugar para sa kanila sa pagamutan at upang makatulong din tayo sa mga mangagamot, nurses at iba pang mangagagwa sa ospital. Sa ganitong paraan mas maraming buhay ang maisasalba. (ni: Elisha Gay C. Hidalgo, RND – Registered Nutritionist Dietitian)