Nais kong malaman kung anu-ano ang mga dahilan kung bakit ang EC long term residence permit o ang carta di soggiorno ng mga non-EU nationals ay maaaring mawalan ng bisa.
Ang batas
Ang EU long term residence permit, kilala bilang carta di soggiorno ay alinsunod sa artikulo 9 ng Batas sa Imigrasyon (TU), sinusugan sa pamamagitan ng d.lgs. n. 8 ng 2007 sa pagpapatupad ng European Directive n. 2003/109/EC at Artikulo 16 at 17 ng regulasyon sa Pagpapatupad D.P.R. 394, 1999.
Ang pagpapawalang-bisa nito ay ipinagkakaloob sa mga kasong nasasaad lamang. Sa katunayan, ito ay isang uri ng pahintulot na ibinibigay sa mga dayuhang naninirahan sa Italya sa mahaba ng panahon at nabibilang sa sosyal at ekonomikal na konteksto ng bansa.
Dahil sa kadahilanang ito, ang batas ay nagbibigay lamang ng mga malulubhang dahilan (at matapos ang mga pagsususri), na maaaring magbigay daan sa pagtanggi o pagpapawalang bisa dito.
Kailan nawawalan ng bisa
Una sa lahat, ayon sa batas, ang pagpapawalang-bisa ay ibinibigay kung ang dokumento ay nakuha sa pamamagitan ng panlilinlang. Ito ay nangangahulugan na ang dayuhan ay nagsumite ng mga pekeng dokumento o huwad na paghahayag o deklarasyon upang mapagkalooban ng nasabing dokumento ng hindi sa wastong paraan.
Ang Circular ng Ministry of Interior noong May 27, 2009 ay nagsasaad na ang long term residence permit ay maaaring pawalang bisa kung natanggap dahil sa panlilinlang at maging sa pamamagitan ng fake marriages (matrimonio di comodo).
Ito ay maaari ring pawalang bisa sa kaso ng pagpapatalsik. Ang expulsion ay maaaring ipagkaloob sa mga kasong nasasaad sa ilalim ng Artikulo 9. Ito ay nagsasaad ng pagiging malubhang dahilan ng public peace and order o seguridad ng bansa.
Kung ang dayuhan ay kabilang sa mga terorista, o nasasangkot sa paggawa at organisasyon ng mga krimen. Sa pagbibigay ng expulsion ay isinasaalang-alang din ang edad, panahon ng pananatili sa bansa, ang epekto nito sa kanyang pamilya, ang pagkakaroon ng family at social relation sa bansa at ang pagkawala naman ng family at social relation nito sa bansng pinagmulan.
Hindi ibinibigay ang dokumento kung kulang o wala ang mga kondisyon para sa pagbibigay nito. Ang hindi pagbibigay ng dokumento ay batay din sa pamamagitan ng mga pending criminal cases para sa ilang uri ng krimen.
Isa sa mga kondisyon para mapawalang bisa ito ay ang matagal na pagkawala o paglisan sa bansa. Nasasaad na ang pag-alis ng 12 magkakasunod na buwan ay maaaring maging dahilan ng pagkawalang bisa nito.
Maging ang paghingi ng parehong dokumento sa ibang bansa ng EU ay nagtatanggal din ng bisa nito.
Ano ang mangyayari pagkatapos ng pagpapawalang bisa
Pagkatapos ng pagpapawalang bisa sa carta di soggiorno, kung hindi bibigyan ng order of expulsion ang dayuhan, ay ipagkakaloob ang isang normal na permit to stay.
Bukod dito, sa mga kaso ng pagpapawalang bisa dahil sa paglisan ng labindalawang magkakasunod na buwan, at pagkakaroon ng carta di soggiorno sa ibang EU country, ay binibigyan ng pagkakataong magkaroon o humiling muli ng carta di soggiorno, kung mayroong mga requirements at nananatili sa bansang Italya ng tatlong taon sa halip na limang buwan.