Ang mga colf, caregivers at babysitters ay isang uri ng propersyon na inaasahan at pinagkakatiwalaan ng maraming employers sa Italya upang alagaan ang mga mahal sa buhay tulad ng magulang at mga anak, bukod pa ng kanilang sariling tahanan.
Ngunit maaari bang kontrolin ang domestic worker kung ginagampanan ang trabaho nang wasto sa pamamagitan ng isang video surveillance o ang kilalang Cctv?
Nilinaw ng Inail noong Pebrero 8, 2017 protocol n.1004 ang kahulugan ng domestic job. Ito umano ay “uri ng hanapbuhay na esklusibong tumutugon sa pangangailangan ng pamilya ng employer (art. 1, Batas 339/1958), at ang karakter ng trabaho ay direkta sa buhay ng pamilya”.
Ang mga gawaing ito ay isinasagawa lamang sa tahanan ng employer at ng kanyang pamilya (at hindi sa opisina o kumpanya) at samakatuwid – tulad ng ipinahayag ng hukuman sa hatol no. 565 ng 1987 – “at dahil sa partikular na katangian ng domestic job ay naiiba ito sa iba pang uri ng trabaho.”
Dahil dito ang domestic job ay hindi napapailalim sa Statuto dei lavoratori o Batas sa proteksyon ng mga manggagawa, pati na rin sa pagpapatupad ng limitasyon at pagbabawal na nasasaad sa art. 4 ng Batas n. 300/1970, na tumutukoy sa pag-iinstall ng Cctv o video camera sa lugar ng trabaho.
Samakatwid ang employer na nagnanais na mag-install ng video surveillance system sa sariling tahanan ay maaaring gawin ito nang hindi nangangailangan ng anumang pahintulot. Gayunpaman, ang employer ay dapat “respetuhin ang mga probisyon hinggil sa paggamit ng personal datas (trattamento dei dati personali) at siguraduhin ang proteksyon sa karapatan sa privacy ng domestic workerna nasasaad sa batas”.
Ito ay nangangahulugan na dapat ay alam ng domestic worker ang pagkakaroon ng Cctv at pipirmahan nito ang consensus sa privacy.
Ang dokumentasyon na dapat pirmahan ng domestic worker na may karapatan ding makatanggap ng kopya nito, ay dapat na nagtataglay ng mga sumusunod:
- Bilang kung ilan at ang lugar kung saan naka-install ang mga video camera;
- kasiguraduhan na ang video ay mabubura matapos ang itinakdang panahon;
- kasiguraduhan na ang paggamit ng video ay para lamang maiwasan ang pagnanakaw;
- may pahintulot sa access ng mga video anumang oras upang mapanood ito ng domestic worker. (PGA)