Panahon na ng pagtanggap ng 13 month pay o Christmas bonus, lalong kilala sa tawag na Tredicesima sa Italya. Isang obligasyon, ayon sa Collective Agreement ng Domestic Job, artikolo 37 kung saan nasasaad:
Sa pagdating ng Kapaskuhan o bago matapos ang buwan ng Disyembre, dapat ipagkaloob sa manggagawa ang isang buwang dagdag na sahod.”
Kung kaya’t walang dapat ikabahala ang sinumang hindi makakatanggap nito bago mag-Pasko dahil ito ay ibinibigay hanggang bago magtapos ang taon.
Ang karagdagang buwanang sahod na ibinibigay sa colf, baby sitter o caregiver ay dapat na katumbas ng kabuuang sahod ng manggagawa, kabilang ang anumang allowance sa board and lodging.
Para makalkula ang Christmas bonus, ay kailangan ring isaalang-alang ang mga araw ng pagliban o absent mula sa trabaho dahil sa sakit, aksidente o maternity at ang pamamaraan ay nag-iiba kung panahon ng trabaho ay full-time o part time at kung ang suweldo ay buwanan, lingguhan, o per hour.
Per hour na Sahod
Sa ganitong kaso, kailangang i-multiply ang sahod per hour sa kabuuang oras ng trabaho per week. Ang result nito ay ang sahod per week na kailangang i-multiply sa 52 weeks(katumbas ng isang taong serbisyo) at i-divide sa 12 months.
Hal: Ang isang domestic worker na may sahod na € 10.00 kada oras para sa 10 oras bawat linggo, ay may karapatan sa € 433.33 bonus (€ 10.00 x 10 hrs bawat linggo X 52 linggo = 100 Euro = 5200 €/ 12 months = € 433,33)
Lingguhang Sahod
Ang 13th month pay ay kinakalkula sa pamamagitan ng pagmu-multiply ng weekly salary sa 52 weeks at pagdi-divide sa 12 months. Hal: isang baby sitter na tumatanggap ng € 50 per week ay may karapatang tumanggap ng Christmas bonus na 216,66 (50 X 52 weeks / 12 months)
Buwanang Sahod
Ang 13th month pay ay katumbas ng isang buwang sahod.
Hal: Ang isang care giver na nagtrabaho ng buong taon at may buwanang suweldo ng € 900 ay may karapatan na makatanggap ng € 900 bonus.
Ang isang care giver naman, na nagtrabaho mula sa Hunyo 1 – Disyembre 31 at may buwanang suweldo na € 900 ay may karapatan na makatanggap € 525.00 bonus (euro 900 X 7 buwan: 12)
(stranieriinitalia.it)