in

Citizenship para sa mga ipinanganak sa Italya makalipas ang 18 taong gulang

Ako po ay isang Pilipino, ipinanganak sa Italya ngunit dahil sa kakulangan ng impormasyon, ay nakalipas ang 12 buwang palugit upang ako ay makapag-aplay ng Italian citizenship sa pagitan ng 18 hanggang 19 na taong gulang. Maaari pa rin ba akong mag-aplay ng citizenship? Paano?

Mayo 17, 2013 – Ang sinumang ipinanganak sa Italya na dayuhan ang mga magulang ay mayroong ‘fast track’ upang maging mamamayang Italyano, ngunit mayroon lamang isang taon upang ang prosesong ito ay mapakinabangan.

Ayon sa batas sa Italya, ang ipinanganak sa Italya na dayuhan ang mga magulang ay hindi awtomatikong nakakakuha ng Italian citizenship bagkus ay pinanatili ang citizenship ng mga magulang hanggang sa pagsapit ng 18-taong gulang.

Ang Batas n. 91/92 ukol sa Citizenshipay nagsasabing ang “dayuhang ipinanganak sa Italya, nanirahan ng legal at tuluy-tuloy hanggang 18 taong gulang, ay nagiging ganap na mamamayang Italyano kung idedeklara ang paghahangad na matanggap ang italian citizenship sa loob lamang ng isang taon” (Artikulo 4 , talata 2 ng Batas 91/92).

Ito ay nangangahulugan na ang mga banyagang mamamayan na ipinanganak sa Italya at naging regular na residente ay maaaring mag-aplay para sa Italian citizenship sa pagitan ng edad na 18 at 19, at haharap sa Civil Officer ng munisipyo kung saan residente.

Ang citizenship, sa kasong ito, ay ibinibigay ayon sa “benepisyo ng batas”, at samakatwid ay posible ang maging mamamayang Italyano sa pamamagitan ng isang simpleng deklarasyon ng hangarin na gagawin sa Civil Officer bago sumapit ang ika-19 na taong gulang.

Ang tanggapan ng Civil Status, sa sandaling matapos ang pagsusuri sa mga kinakailangan, ay magpapatuloy sa pagtatala sa bagong mamamayan sa civil registry matapos ang panunumpa ng katapatan sa Italian Republic, kasabay ang pagkakaloob ang italian citizenship.

Makalipas ang 19 na taong gulang

Kung sakaling lalampas sa labinsiyam na taong gulang, ang dayuhang ipinanganak sa Italya na hindi gumawa ng “deklarasyon ng hangarin”, ay hindi maaaring bigyan ng citizenship batay sa “benepisyo ng batas”, bagkus ay sasailalim sa ibang proseso. Sa katunayan, ang sinumang lumampas sa 19 na taong gulang ay maaaring mag-aplay para sa citizenship, matapos ang 3 taong regular na paninirahan batay sa Artikulo. 9, talata 1, lett. a ng Batas 91/92.

Ang aplikasyon ay dapat na isumite sa Prepecture na sumasakop sa tirahan, sa pamamagitan ng pagpi-fill up ng form B at paglalakip ng mga kinakailangang dokumento na orihinal at mga kopya nito. Nananatiling kondisyon na ipinanganak sa Italya at ang pagkakaroon ng kita o sahod na mas mababa sa 8500 € bawat taon sa huling tatlong taon bago ang pagsusumite ng aplikasyon. Mangyaring tandaan na ang tinutukoy na kita ay ang kabuuang kita ng pamilya. Kung isang mag-aaral, kailangang ipakita ang kita o sahod ng magulang.

Dokumento na isinumite

1. Resibo ng pagbabayad ng halagang 200 € sa account number  809,020 sa Ministry of Interior (tingnan ang halimbawa)

2. Balidong pasaporte;

3. Buong kopya ng birth certificate ng aplikante (tingnan ang halimbawa);

4. Permit to stay: sa kasong may patlang ang panahon ng pananatili sa  permit to stay, ang aplikante ay maaaring magsumite ng mga patunay na dokumento ukol sa panantili sa Italya (hal: school certificate, medical certificate at iba pa..)

5. Historical residence permit. Sa kaso ng late registration ng minor sa Munisipyo, ay kailangang maglahad ng patunay na dokumento ng kanyang pananatili sa Italya bago pa man ang pagpapatala (hal: medical certificate)

Karapatan ng Ministry of Interior na humingi ng karagdagang dokumentasyon kung kinakailangan. Ito ay ipinaaabot sa aplikante sa pamamagitan ng registered mail with return card na ipapadala sa tirahan na tinukoy ng aplikante sa aplikasyon ng citizenship. Sa kasong nagpalit ng address sa panahon ng pag-proseso ng citizenship ay kailangang ipagbigay alam sa Prefecture ang bagong tirahan at ilakip ang resibo ng pagsusumite ng aplikasyon o ng protocol letter ng aplikasyon upang maiwasan ang mawala ang liham. 

Ang panahon sa pagproseso ng aplikasyon ay 730 araw. Kung aprubado, ang Prefecture ay magpapadala ng abiso sa kinauukulan sa loob ng 90 araw mula sa pagkakatanggap ng dekreto ng pagkamamamayan. Kapag natanggap na ang naturang dekreto, ay kinakailangang magtungo sa Munisipyo na sumasakop sa tirahan sa loob ng anim na buwan upang manumpa ng katapatan sa Republika batay sa Artikulo 10 ng Batas sa Pagkamamamayan (L. 91/1992). Kapag lumagpas sa nasabing palugit, ang dekreto ay mawawalan ng bisa at ang kinauukulan ay kinakailangang muling magsumite ng aplikasyon at kalakip muli ang mga kinakailangang dokumento.

Ito ay ayon sa batas b. 91 ng Pebrero 5, 1992.

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Italya, nanguna sa bilang ng mga botante sa Europa

European fund for Integration: 37 million euros nakalaan sa Italya