Magandang umaga po. Ako ay mayroong permit to stay para sa subordinate job at ako ay binibigyan ng contratto di lavoro ‘a chiamata’. Ang ganitong uri ba ng kontrata ay magagamit sa renewal ng permit to stay?
Enero 17, 2014 – Alinsunod sa art. 13 , talata 2 ng D.P.R. 394/99 sa renewal ng permit to stay, ang non-EU national ay kailangang ilahad ang dokumentasyon na magpapatunay ng sapat na sahod upang matustusan ang sarili at ang buong pamilya.
Ang kita o sahod na ito ay maaaring manggaling sa isang trabaho o anumang uri ng legal na paraan. Maaari ring maglahad sa awtoridad ng provisory declaration o ang tinatawag na dichiarazione temporanea sostitutiva ukol sa sahod na pirmado ng aplikante, na susuriin naman ng tanggapan. Sa pagkakataong ang ginawang deklarasyon ay hindi totoo, at ang dayuhan ay hindi talaga nagtataglay ng sapat na kita, ang permit to stay para sa subordinate job ay hindi mare-renew.
Ang mga dayuhan na mayroong contratto di lavoro a chiamata (tinatawag ding intermittente o hindi tuluy-tuloy ) ay may karapatan din sa tinatawag na indennità di disponibilità. Ito ay isang uri ng ‘allowance’ na sumasaklaw bilang taxable income, maging para sa kontribusyon at maging para sa buwis. Kung ang kabuuan ng sahod at allowance ay katumbas ng halaga ng assegno sociale o social benefit, (o higit sa pagkakaroon ng mga dependants), ang dayuhan ay maaaring mag-aplay para sa renewal ng permit to stay lakip ang mga dokumentasyon na magpapatunay ng trabaho at ng sahod.
Ipinapayong, kalkulahin agad ang kabuuan ng sahod at anumang uri ng ‘allowance’, upang maabot ang minimum salary na kinakailangan sa pagre-renew ng permit to stay para sa trabaho.
Ipinapaalala na ang contratto di lavoro a chiamata ay pinapayagan sa bawat mangaggawa sa iisang employer para sa maximum ng 400 days sa loob ng 3 taon. Sa pagkakataong malampasan ang panahong nabanggit, ang uri ng hiring ay magiging ‘indeterminato a tempo pieno’. Bukod dito, ay hindi maaaring mgakaroon ng contratto di lavoro a chiamata at part-time job sa iisang employer.