in

Dayuhang mag-aaral. Maaaring magpatala sa Servizio Sanitario Nazionale?

Magandang araw po. Inisyu kamakailan ang aking permesso di soggiorno per studio. Paano ako magkakaroon ng health assistance?

Septiyembre 3, 2014 – Sa Italya ang health assistance ay ibinibigay ng National Health System o Sistema Sanitario Nazionale – SSN. Ang sinumang nakatala ay makakatanggap ng serbisyong medikal matapos ang pagbabayad ng ‘ticket’ na ang halaga ay batay sa ilang kundisyon at sahod o kita.

Ang mga dayuhan na nagtataglay ng permesso di soggiorno per studio ay hindi awtomatikong nakatala sa SSN. Batay sa artikulo 34 ng Batas Pambansa 286/98, sila ay kailangang mayroong health insurance o polizza assicurativa, balido sa bansang Italya buhat sa isang italian o foreign insurance company na nagbibigay ng coverage sa sakit, aksidente o pagbubuntis at sa pagkakataong tumanggap ng health assistance buhat sa SSN, ay buong babayaran ang serbisyong natanggap batay sa halagang itinalaga ng kinasasakupang Rehiyon. Bilang alternatiba, ay maaaring kusang magpatala (o iscrizione volontaria) sa SSN sa pamamagitan ng pagbabayad ng kontribusyon gamit ang postal account o F24 na ang halaga ay itinalaga ng Rehiyon o ng Autonomous Province kung saan residente o naninirahan.

Ipinapaalala na ang pagpapatala ay batay sa calendar year (o anno solare) na nagsisimula ng Enero 1 hanggang Disyembre 31. Ito ay nangangahulugan na kung ang isang mag-aaral na darating sa Italya sa simula ng school year mula Setyembre ay mananatili hanggang sa Hulyo ng susunod na taon, ang pagbabayad ng nabanggit na kontribusyon ay balido lamang mula Setyembre hanggang Disyembre. Muling magbababyad ng panibagong kontribusyon mula Enero hanggang Hulyo. Bukod dito ang kontribusyon ay binabayaran ng buo anuman ang duration ng pananatili sa bansa at walang retroactive effect.

Para sa mga mag-aaral na walang dependant at walang anumang kita bukod sa scholarship o subsidy buhat sa anumang italian public entity, ang halagang dapat bayaran sa kusang pagpapatala (o iscrizione volontaria) ay € 149.77 sa isang taon. Para sa mga mag-aaral na mayroong dependants na naninirahan sa Italya (hal. asawa at anak), ang halaga ng kontribusyon ay kinakalkula batay sa sahod o kita at hindi bababà sa € 387.34.

Ang dayuhang nakatala sa SSN ay nakatala rin sa listahan ng mga pinangangalagaan ng Asl na kinasasakupan, gayun din ang mga miyembro ng pamilyang nakatala rin. Sa pagpapalit ng tirahan (cambio di residenza), ay dapat ipagbigay-alam sa Asl, upang matanggap ang parehong serbisyo sa lilipatang lugar.

Sa pagpapa-tala ay kakailanganin ang mga personal documents tulad ng pasaporte, permit to stay at fiscal code, ang kopya ng enrollment na magpapatunay ng anumang subsidy o scholarship.

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Knights of Rizal sa Europa, nagtipon sa Italya

FEDERFIL-ITALY OFW AWARDS AND RECOGNITION DAY 2014