Kinakailangan ang pagkakaroon ng permesso di soggiorno ng dayuhan upang makapagtrabaho sa Italya. Tandaan na hindi lahat ng uri ng permesso di soggiorno ay nagpapahintulot makapag-trabaho o nagpapahintulot ngunit may mga limitasyon. Gayunpaman, kung ito ay na-renew sa loob ng itinakdang panahon, o sa loob ng 60 araw pagkatapos ng expiration date nito, ay maaaring magpatuloy magtrabaho.
Samakatwid, ang expiration ng permesso di soggiorno ay hindi magreresulta nang paghinto sa trabaho, dahil sapat na ang pagkakaroon ng cedolino o tagliandino bilang patunay na ginawa ang request ng renewal nito.
Gayundin, ang cedolino o tagliandino, o ang resibo ng unang request ng permesso di soggiorno ay nagbibigay-daan para sa hiring ng dayuhan na naghihintay ng releasing ng nabanggit na dokumento.
Nagkakaroon ng problema kapag ang permesso di soggiorno ay hindi na-renew sa loob ng itinakdang palugit. Sa kasong ito, ang dayuhan ay nagiging hindi regular o ilegal sa bansa at ang kanyang kalagayan ay maihahambing sa isang undocumented na hindi kahit kailan nagkaroon ng permesso di soggiorno.
Sa kasong ito, ang employer na nag-empleyo (o patuloy na nag-eempleyo kahit sa kawalan ng renewal ng permesso) sa dayuhan ay maaaring patawan ng krimen na nasasaad sa artikulo 22, talata 12 ng T.U. Immigration, na nagpaparusa sa sinumang mag-empleyo ng mga dayuhang manggagawa nang walang balidong residence permit.
Dapat malaman na hindi lamang ang mga nagpapatuloy sa hiring ng mga naging hindi regular na dayuhan ang may responsabilidad sa batas bagkus mananagot din sa krimen pati ang mga tumanggap sa mga undocumented at mga nagpapatakbo ng kumpanya bukod pa sa mga may-ari nito. Bukod sa nabanggit, kahit ang mga employer sa domestic job ay kailangan ring sumunod sa nasasaad sa batas.
Nasasaad na parusa ang pagkakakulong mula anim (6) na buwan hanggang tatlong (3) taon at multa na nagkakahalaga ng € 5,000 para sa bawat hindi regular na manggagawang nagtatrabaho.
Sa katunayan, sa kasong mahatulan ang employer ay maaaring tawagin upang magbayad din ng mga sumusunod:
- Gastusin sa repatriation ng dayuhan,
- Sahod ng worker, katumbas ng nasasaad sa national collective contract;
- Buwis at kontribusyon sa social security.
Dapat ding tandaan na ang hiring ng mga seasonal workers na expired ang permesso di soggiorno ay isa ring krimen, na may parusa sa ilalim ng artikulo 24, T.U. Immigration, at may parehong parusa o pagkakulong mula anim (6) na buwan hanggang tatlong (3) taon at multa ng € 5,000 para sa bawat manggagawa. (Atty. Federica Merlo)
Basahin din:
- Expired ang permesso di soggiorno, maaari bang makapag-trabaho sa Italya?
- Nasa renewal ang permesso di soggiorno? Narito ang mga karapatan ng dayuhan
- Ano ang minimum salary required para sa renewal ng permesso di soggiorno sa Italya?