Ako ay ipinanganak sa Italya at makalipas ang 18 anyos, ako ay naging ganap na Italian citizen. Sa pagbabakasyon ko ba sa Pilipinas ay obligado bang mag re-acquire ng Filipino citizenship?
Ang mga natural-born Filipinos ay nawawalan ng Filipino citizenship sa pamamagitan ng naturalization sa isang foreign country, halimbawa sa Italya.
Tinatawag na mga natural-born citizens ng Pilipinas ang mga mamamayang Pilipino mula sa kapanganakan na walang anumang ginawang aksyon upang maging citizen.
Sila ay ang mga mayroong magulang, ama at/o ina na mamamayang Pilipino sa kanilang kapanganakan.
Gayunpaman, sa Italya, katulad ng ibang bansa sa Europa, ay hindi umiiral ang citizenship by birth o ang prinsipyo ng jus soli sa mga ipinanganak sa bansa na dayuhan ang mga magulang.
Nagiging naturalized Italians ang mga Pilipino sa pamamagitan ng mga pamamaraang itinalaga ng batas nito tulad ng:
– Sa pagsapit ng 18 anyos ng mga dayuhang ipinanganak dito;
– Citizenship by residency, makalipas ang 10 taong regular na paninirahan sa bansa;
– Citizenship by Marriage (at iba pa)
Sa pamamagitan ng Republic Act No. 9225 o ang Citizenship Retention at Re-acquisition Act of 2003 na isinabatas noong August 29, 2003 ay nagkaroon ng oportunidad ang mga natural-born Filipinos na nawalan ng Filipino citizenship sa pamamagitan ng naturalization sa isang foreign country, na manatili o maging Filipino citizen muli.
Ang batas na nabanggit ay ginawang posible sa mga Pilipino ang pagkakaroon ng dual citizenship bukod sa pamamagitan ng kapanganakan.
Samakatwid, ang mga Filipinos na naging naturalized Italian citizen ay hindi ganap na nawawala ang Filipino citizenship.
Gayunpaman, ang pagiging dual citizen ay isang pribiliheyo at hindi isang obligasyon. Ito ay batay sa pagnanais na maging Filipino citizen muli. Samakatwid, ang mga naturalized Italian ay hindi obligadong mag-aplay muli ng Filipino citizenship.
Sa kasong magbabakasyon sa Pilipinas, tulad ng katanungan, at walang dual citizenship ay ipinapayong:
- Mag-aplay ng entry visa sa Embahada o Konsulado kung ang pananatili sa Pilipinas ay higit sa 30 araw.
- Kung hindi nag-aplay ng visa, mag-aplay ng Balikbayan Privilege pagdating sa Pilipinas. Ito ay nagpapahintuloy na manatili hanggang isang taon sa Pilipinas ang mga former Filipino citizens.
Anu-ano ang mga requirements at ang dapat gawin sa pag-aaplay muli ng Filipino citizenship?
- PSA o Philippine Statistics Authority (dating NSO o National Statistics Office) Birth Certificate sa mga ipinanganak sa Pilipinas o Report of Birth naman para sa mga ipinanganak sa labas ng Pilipinas (3 kopya at orihinal)
- PSA Marriage Contract o Report of Marriage, kung kasal (3 kopya at orihinal)
- Pinakahuling pasaporte (3 kopya at orihinal)
- ID pictures (2)
- Balidong Carta d’Identità (3 kopya at orihinal)
- Certificato di Cittadinanza o Atti di Cittadinanza Italiana o Decreto mula sa Comune (may petsa ng pagiging italina citizen) (3 kopya at orihinal)
- Application fee
- Karagdgang fee para sa bawat minor na anak
Mangyaring bisitahin ang website ng Philippine Embassy at Philippine Consulate General ng Milan para sa detalyadong impormasyon.