Ang mga non-EU nationals, na mayroong balidong permit to stay, ay maaaring pansamantalang lumabas ng bansang Italya. Ganoon din ang mga mayroong EC long term residence permit o dating carta di soggiorno.
Ang paglabas ng bansang Italya ng mga Pilipinong residente, sa katunayan, ay pinahihintulutan. Ngunit ito ay batay sa limitasyong itinalaga ng batas na nag-iiba batay sa uri ng dokumento na hawak ng dayuhan.
Narito ang panahong pinahihintulutan
Ang mga mayroong EC long term residence permit ay maaaring lumabas ng bansang Italya hanggang labindalawang (12) buwang sunud-sunod. Ito ay tumutukoy sa mga non-EU countries, kasama na ang Pilipinas. Samantala, kung ang pupuntahan ng dayuhan ay isang bansa sa Europa, ay may pahintulot hanggang anim (6) na taong sunud-sunod.
Samantala, ang mayroong permit to stay (famiglia, lavoro at studio) ay maaaring pansamantalang lumabas ng bansa sa mas maikling panahon.
Kung ang permit to stay ay balido ng isang taon, ay hindi maaaring lumampas ng anim na buwang sunud-sunod. Kung ito ay balido ng dalawang taon, ang panahong pinapahintulutan ay katumbas ng kalahati ng panahon ng validity nito. Samakatwid, ay isang taon (artikulo 13 talata 4 DPR 394/99).
Kung lalampas sa itinakdang limitasyon ay maaaring pawalang-bisa ang dokumento. Ito ay batay sa artikulo ng 9 talata 7 letra d D. lgs. 286/98.
Sa katunayan, ang mga Pilipino, sa ilang pagkakataon ay kinakailangang manatili sa sariling bansa higit sa panahong itinalaga ng batas. Marahil ay dahil sa matinding dahilan, pagkaka-ospital o pag-aalaga ng magulang na may karamdaman. Mahalagang ito ay mapatunayan. Ang bawat dokumento na magpapatunay ng dahilan ng pananatili sa labas ng Italya ay kailangang ipa-translate at ipa-legalize sa Embahada.
Re-entry visa
Kung lalampas sa panahong nabanggit sa itaas ay maaaring tanggihan ang pagpasok sa Italya at hingan ng re-entry visa.
Kung sakaling ang permit to stay ay mage-expired habang nasa Pilipinas ay maaari pa ring makabalik sa Italya. Ito ay sa pamamagitan ng re-entry visa na ia-aplay sa Italian Embassy sa Pilipinas.
Ang permit to stay ay kailangang hindi expired ng higit sa 60 araw sa pag-aaplay nito.
Ang malubhang dahilan lamang sa kalusugan ng dayuhan, ng asawa o ng unang grado ng miyembro ng pamilya ang maaaring maging dahilan sa paga-aplay ng re-entry visa hanggang anim na buwan ng expiration ng permit to stay.
Sa paga-aplay, kailangang i-prisinta ang expired na permit to stay at ang Embahada ay susuriin ang nasabing dokumento sa pamamagitan ng Questura na nag-isyu nito.
Ang re-entry visa ay maaari ring hilingin ng dayuhang nawala o ninakawan ng dokumento, matapos ang pagre-report nito sa awtoridad. (PGA)