Ginawang indefinite o illimitato ang validity ng Super Green Pass para sa mga nabakunahan ng tatlong dosis at sinumang gumaling sa Covid19 matapos ang dalawang dosis ng bakuna kontra Covid19. Ito ang naging desisyon ng gobyerno kamakailan mataposaprubahan ang bagong Covid decree sa Council of Ministers na sinimulan noong February 7, 2022.
Bago ito, matatandaang binawasan mula siyam (9) na buwan sa anim (6) na buwan ang validity ng Super Green pass na sinumulan noong February 1, 2022 na mabilis na napalitan ng indefinite validity.
Ang patuloy na pagbabago sa mga regulasyon ay nagiging sanhi ng pagkalito ng marami.
Upang maging malinaw, narito ang iba’t ibang mga kundisyon sa bakuna kontra Covid at gumaling sa Covid at ang katumbas na validity ng Super Green pass.
Unang dosis: ang Super Green pass ay balido mula sa ika-labinlimang araw matapos mabakunahan hanggang sa petsang itinalaga para sa ikalawang dosis.
Dalawang dosis: ang Super Green pass ay balido ng anim (6) na buwan mula sa araw na makakumpleto ng unang cycle ng vaccination na may unang dalawang dosis.
Dalawang dosis + booster (o tatlong dosis): ang Super Green pass ay illimitato mula sa petsa ng ikatlong dosis o booster dose.
Dalawang dosis + gumaling sa Covid: ang Super Green pass ay illimitato matapos gumaling sa sakit na Covid.
Gumaling sa Covid + isang dosis + booster: ang Super Green pass ay illimitato matapos ang booster dose.
Gumaling sa Covid + isang dosis + Gumaling ulit sa Covid: ang Super Green pass ay illimitato matapos ang ikalawang paggaling sa sakit na Covid.
Gumaling sa Covid: ang Super Green pass ay balido ng anim (6) na buwan mula sa araw na gumaling sa sakit na Covid.
Gumaling sa Covid + isang dosis: ang Super Green pass ay balido ng anim (6) na buwan mula sa araw na mabakunahan ng isang dosis lamang.
Isang dosis + Gumaling sa Covid: ang Super Green pass ay balido ng anim (6) na buwan mula sa araw na gumaling sa sakit na Covid.
Paalala sa mga Gumaling:
Ang primary vaccination cycle (unang dalawang dosis) ay maituturing na nakumpleto kahit isang dosis lang kung:
- nabakunahan matapos gumaling sa sakit na Covid o
- nag-positibo sa Covid makalipas ang 14 na araw mula sa unang dosis.
- nag-positibo sa loob ng 14 na araw matapos ang unang dosis, para makumpleto ang vaccination cycle ay dapat gawin ang pangalawang dosis sa loob ng anim na buwan (180 araw) mula sa araw na nag-positibo. Sa pagkakataong ito ay bibigyan ng Super Green pass sa balido ng anim (6) na buwan. (PGA)
Basahin din:
- Ano ang mga pagbabago sa mga anti-Covid preventive measures simula February 1, 2022?
- Validity ng Green pass, pagtatanggal ng restriksyon at regulasyon sa paaralan – ang nilalaman ng bagong dekreto