Ang hindi pagbabayad ng buwis ay hindi hadlang sa renewal ng permit to stay. Ito ang naging desisyon ng mga hukom ng TAR Veneto na kasalukuyang isang mainit na diskusyon.
Ito ay tumutukoy sa isinampang reklamo ng dalawang Nigerians na tinanggihan ng Questura ang aplikasyon ng EC long term residence permit o permesso per lungo soggiornanti dahil sa lumaking halaga ng buwis na dapat bayaran.
Ang naging dahilan ng Questura sa pagtanggi ay ang ‘kawalan ng social integration’ dahil sa hindi pagbabayad ng kontribusyon at ng buwis.
Gayunpaman, ayon sa mga hukom, ang tax evasion o hindi pagbabayad ng buwis ay hindi makakahadlang sa posibilidad na magkaroon ng permit to stay. Ayon sa TAR, sa katunayan, “ang hindi pagsunod sa obligasyon ng pagbabayad ng buwis at social security o kontribusyon ay hindi maaaring maging tuwirang dahilan para tanggihan na ma-isyuhan o ma-renew ang permit to stay”.
Sa katunayan ay humiling ang 2 Nigerians ng posibilidad na hulugan ang naipong utang: isang € 2.900 at €6.500. Kasabay nito ay ang pag-aaplay sa permesso per lungo soggiornanti o dating carta di soggiorno.
Ngunit ito ay parehong tinanggihan ng Questura at pinahintulutan lamang ang isang kaso kung saan ang dahilan ng pananatili ay ‘familiari’ na balido ng 2 taon.
“Hindi itinuring ng awtoridad, tulad ng mababasa sa hatol, bilang hadlang sa pagbibigay ng nabanggit na dokumento ang hindi pagbabayad ng buwis at kontribusyon”. Gayunpaman, “anumang tax evasion ng imigrante, ayon sa regulasyon ay kailangang parusahan ng mga angkop na ahensya tulad ng Financial Administration at tanggapan para sa social security sa pamamagitan ng paniningil sa buwis at kontribusyon”. Ngunit hindi maaaring maging dahilan sa hindi pagbibigay ng permit to stay.
Pinawalang-bisa ng hukom ang naging desisyon ng Questura at ang pagbabayad ng nabanggit na halaga ay ipinagkakatiwala sa Inps at sa Equitalia.