“Il decreto di concessione è alla firma” ang nakasulat na status ng aking aplikasyon sa citizenship na aking sinimulan dalawang taon na ang nakakalipas. Ano po ang kahulugan nito?
Matapos ang pagsusuri sa aplikasyon ng citizenhsip buhat sa mga tanggapang dapat pagdaanan sa proseso, sa kasong positibo ang resulta ay gagawin ang dekreto o atas ng pagbibigay ng citizenship sa dayuhang aplikante. Upang gawing pormal ang pagbibigay nito, ang dekreto ay pinipirmahan ng kaukulang awtoridad. Ito ang ibig sabihin ng “il decreto di concessione è alla firma“.
Matapos na pirmahan ang atas, ang Prefecture ay may 90 araw upang makipag-ugnay sa aplikante at ipagbigay alam ang pagkakaloob ng citizenship. Ang aplikante, matapos ang abiso ng pagbibigay ng citizenship, ay mayroong 180 na araw upang gawin ang panunumpa ng pagiging tapat sa Republika at pagsunod sa Saligang batas ng Italya sa Munisipyo kung saan naninirahan o sa Embahada ng Italya kung residente sa labas ng Italya.
Sa paglipas ng 180 araw, ang aplikante ay hindi na maaaring manumpa dahil ang atas o dekreto ay wala ng bisa at samakatwid ay hindi magiging ganap na Italyano. Sa ganitong kaso, upang magkaroon ng Italian citizenship ay kailangang gawin muli, mula sa simula ang proseso ng aplikasyon.
Gayunpaman, sa kasong matapos ang pagsusuri at bigyan ng negatibong opinyon ang aplikante ay ipapadala rin ang komunikasyon ng dekreto ng pagtanggi sa citizenship. Batay sa naging dahilan ng naging pagtanggi, ang dayuhan ay maaaring magsumite ng bagong aplikasyon matapos makalipas ang panahong itinakda ng batas.