Ang mga domestic workers (colf, caregivers at babysitters) ay may karapatan, tulad ng ibang mga nagtatrabahong manggagawa, sa ilang araw na leave na may bayad dahil sa pamilya, kalusugan o iba pang dahilan, kasama na dito ang pagsali sa unyon ng manggagawa.
Nangangahulugan ito na hindi kailangang gamitin ang day off o bakasyon upang matugunan ang mga pangangailangang nabanggit sa itaas.
Samakatuwid, ang mga domestic worker ay may posibilidad, sa loob ng limitasyong kinikilala ng National Collective Agreement (CNN), na lumiban mula sa trabaho para sa mga kadahilanang nabanggit, nang hindi mababawasan ang sahod o nang hindi gagamitin ang araw ng bakasyon.
Permessi per cure: mula 12 hanggang 16 na oras bawat taon batay sa kontrata
Ang domestic worker ay maaaring lumiban ng ilang oras mula sa trabaho (nang may bayad) para sa medical check-up. Gayunpaman, ito ay dapat na documented.
Ang mga oras ay maaaring iba-iba: mula sa maximum na 16 na oras bawat taon, sa kaso ng isang full-time na may live-in contract sa employer, hanggang 12 oras bawat taon sa kaso ng isang worker na nakatira sa employer ngunit part-time ang trabaho o part timer na hindi nakatira sa employer.
Ang bilang ng tinatawag na ‘permessi’ ay nagbabago batay sa uri ng kontrata at sa mga oras ng trabaho. Maaaring suriin ang sariling oras ng ‘permessi’ sa tulong ng mga patronati.
Permesso per paternità: sa kapanganakan ng isang sanggol
Ang isang domestic worker na naging ama ay may karapatan sa dalawang (2) araw na bayad na bakasyon sa pagsilang ng bawat anak.
Permesso per motivi familiari: pagkamatay ng isang kamag-anak
Posibleng humingi hanggang tatlong (3) araw na leave na may bayad sakaling mamatay ang isang kamag-anak hanggang second degree, o isang miyembro ng pamilya na kasama sa bahay.
Bukod sa mga nabanggit, ang employer at worker ay maaaring magkasundo sa karagdagang araw ng bakasyon, na gayunpaman ay hindi na babayaran ng employer. (Atty. Federica Merlo)