Ako ay isang caregiver. Nais kong kunin ang aking sick leave dahil masama ang aking pakiramdam. Ako ay nag-aalala na baka matanggal ako sa trabaho kung sakaling ako ay magkasakit. May karapatan ba ako sa sick leave? Ilang araw ito? Hindi ba ako matanggal sa trabaho?
Sa National Collective Contract for Domestic Job ay nasasaad ang mga patakaran sa kaso ng pagkakasakit ng colf, caregivers at babysitters. Ito ang nagtakda sa karapatan ng kasambahay na mapanatili ang trabaho sa panahon ng pagkakasakit ngunit ang panahon ay nagbabago batay sa haba ng panahon ng serbisyo o anzianità.
- 10 araw ng sick leave – kung ang kasambahay ay nagta-trabaho na sa employer ng hanggang 6 na buwan;
- 45 araw – kung ang kasambahay ay nagta-trabaho na sa employer ng higit sa 6 na buwan hanggang 2 taon;
- 180 draw – kung ang kasambahay naman ay higit sa 2 taon ng naga-trabaho sa employer.
Ngunit kung ang sakit ng kasambahay ay cancer (oncologico), ang panahong itinakda upang mapanatili ang trabaho ay tumataas ng 50% o nadodoble. Mahalagang ang karamdaman ay pinatutunayan sa pamamagitan ng setipikasyon buhat sa local health office o ASL na sumasakop sa tirahan.
Ang mga panahong nabanggit ay kinakalkula batay sa tinatawag na anno solare. Ito ay nangangahulugan na kung ang kasambahay ay nagkasakit sa buwan ng Hunyo, ang sick leave ay kinakalkula hanggang sa Hunyo ng susunod na taon.
Sa kasong ang sick leave ay lumampas sa itinakda, ang employer ay maaaring tapusin ang kontrata ng kasambahay dahil sa tamang dahilan (giusta causa). Ipinapaalala na ang probation period (prova) at ang abiso sa trabaho (preavviso) ay inihihinto sa panahon ng pagkakasakit.
Binibigyang-diin na ang kasambahay na maysakit ay may obligasyong sabihan ang employer sa tamang panahon, o bago simulan ang oras na nakatakda para mag- trabaho, maliban na lamang sa pagkakaroon ng hindi maiiwasang pangyayari. Bukod dito, ang obligasyong ipakita ang medical certificate upang bigyang katwiran ang pagliban dahil sa pagkakasakit ay dipende kung ang kasambahay ay naka-live in o hindi sa employer.