Ang health protocol sa Italya ukol sa social distancing ay balido din kahit sa loob ng sasakyan. Dahil dito, ay ipinagbabawal ang mapuno ng mga pasahero ang isang private car. Maliban na lamang kung conviventi o magkakasama sa iisang bahay. Ilan nga ba katao ang maaaring sumakay sa pribadong sasakyan sa panahon ng pandemya?
Narito ang mga dapat sundin sa tuwing sasakay sa pribadong sasakyan
Una sa lahat ay dapat tandan na ang mga ‘conviventi’ o mga magkakasamang naninirahan sa iisang bahay ay maaaring sumakay ng magkakasama sa iisang sasakyan ng walang anumang problema. Walang limitasyon sa bilang ng sakay, o maaaring 4 hanggang 5 katao batay sa laki sa sasakyan.
Samantala, kung hindi ‘conviventi’ o hindi magkasamang naninirahan sa iisang bahay ang isasakay ay kailangang sundin ang mga sumusunod:
- Kailangang magsuot ng mask sa buong biyahe.
- Kailangang panatilihin ang social distance. Dalawa lamang ang dapat na sakay sa likod ng driver (kung ang sasakyan ay para sa apat o lima katao) at uupo sa dalawang magkabilang dulo ng kotse. Ang pwesto sa gitna ay dapat walang nakaupo.
- Ang driver naman ay walang dapat katabi.
- Kung ang sasakyan ay 6 seater o higit pa, ay ipatutupad ang parehong regulasyon, o bawat hanay ng upuan ay dalawa katao lamang ang maaaring umupo sa magkabilang dulo ng sasakyan at ang driver ay wala dapat katabi.
Ito ba ay nasasaad sa bagong DPCM na ipatutupad hanggang March 5, 2021?
Sa bagong DPCM ay nasasaad ang pagpapatuloy ng curfew simula 10pm hanggang 5am. Ito ay nangangahulugan lamang na ang sinumang gagamit ng pribado o publikong sasakyan sa oras na nabanggit ay dahil lamang sa trabaho, kalusugan at pangangailangan.
Bukod sa curfew sa bansang Italya, sa zona rossa at zona arancione ay tanging trabaho, kalusugan at pangangailangan lamang ang pinahihintulutang dahilan ng paglabas ng bahay. Samakatwid, posibilidad din ng paggamit din ng pribado at publikong sasakyan.
Mahigpit din ang rekomendasyon sa lahat na manatili sa sari-sariling bahay, sa malaking bahagi ng maghapon at iwasan ang paggamit ng public at private transportation, maliban na lamang kung kinakailangan.
Sa tatlong kasong nabanggit, tuwing gagamit ng pribadong sasakyan, ay ipinapa-alala na balido ang regulasyon sa itaas.
Samakatwid, magbago man ang ipinatutupad na DPCM, ang regulasyon sa social distancing, o minimum ng isang metro bawat tao, ay mananatiling ipatutupad maging sa loob ng pribadong sasakyan, maliban na lamang kung iisang pamilya o conviventi ang mga nakasakay.
Ito ang dahilan ng patuloy na pagbabantay at pagko-kontrol ng awtoridad sa mga pribadong sasakyan kahit nasa zona gialla. Bukod sa pagkokontrol ng dahilan ng paglabas ng bahay (na papatunayan sa pamamagitan ng Autocertificazione) ay kinokontrol din kung sinusunod ang anti-covid19 preventive measures sa loob ng mga pribadong sasakyan.
At ang sinumang hindi susunod sa social distancing at pagsusuot ng mask sa loob ng pribadong sasakyan at matutuklasang obligadong magsuot nito ay mumultahan mula € 400 hanggang € 1000. (PGA)