Anu-ano ang iba’t-ibang uri ng international protection sa Italya? Sino ang may karapatan sa refugee status? Sino ang nagpapasya kung ang migrante ay may karapatang manatili sa Italya o dapat ma-deport?
Sa Italya, sa ilalim ng Artikulo 10 ng Saligang-Batas, ang isang dayuhan na pinagkaitan sa sariling bansa ng kalayaan, ay may karapatan sa asylum status sa Italya batay sa mga kondisyon na itinalaga ng batas. Ngunit anu-ano nga ba ang kundisyon sa pag-aaplay ng aplikasyon upang magkaroon ng international protection status?
Sino ang mga international protection o asylum seeker?
Ang international protection seeker ay isang aplikante na humihingi sa ibang bansa na kilalanin ang status na nabanggit. Ang aplikante ay nananatiling aplikante hanggang ang mga karampatang awtoridad ay magpasya na kilalanin o bigyan ng status bilang refugee, o bigyan ng ibang uri ng international protection status tulad ng subsidiary protection o bigyan ng permit to stay for humanitarian purposes.
Sino ang mga karampatang awtoridad na ito?
Ang pagiging refugee o ang pagkakaroon ng anumang uri ng proteksyon ay kinikilala ng Territorial Committee matapos ang pagsusumite ng aplikasyon. Sa loob ng itinakdang panahon matapos isumite ang aplikasyon, ang Committee ay tatawagin ang aplikante para sa isang interview kung saan maaaring tumawag ng interpreter. Ang Territorial Committee ay binubuo ng 4 na miyembro kung saan ang dalawa ay buhat sa Interior Ministry, isang kinatawan ng lokal na pamahalaan at isang kinatawan ng United Nations High Commission for Refugees (UNHCR).
Mayroong territorial committee sa iba’t ibang lungsod sa Italya. Ang ilan ay sa Ancona, Bari, Bologna, Brescia, Cagliari, Caserta, Catania, Crotone, Florence, Foggia, Gorizia, Lecce, Milan, Palermo, Rome, Salerno, Syracuse, Torino, Trapani, Verona.
Sino ang mga karapatan sa political asylum?
Ang sinumang may matinding takot sanhi ng pag-uusig (persecution) dahil sa lahi, relihiyon, nasyonalidad, pagiging miyembro ng isang partikular na panlipunang grupo o pampulitikang opinyon. Ang mga patakaran na sinusunod sa asylum ay batay sa Dublin II Regulation. Ito ang umiiral na regulasyon sa Europa, kung saan nasasaad na ang international protection application ay gagawin sa unang bansa sa Europa na pinasok ng migrante. At ang bansang ito ang susuri sa aplikasyon mula sa migrante.
Sino ang tinatawag na refugee?
Ang refugee ay isang migrante na pinagkalooban ng international protection at batay sa artikulo 1 ng Geneva Convention ng 1951, ay “may matinding tarot sanhi ng pag-uusig dahil sa lahi, relihiyon, nasyonalidad, pagiging miyembro ng isang partikular na panlipunang grupo o pampulitikang opinion at nasa labas ng sariling bansa at hindi maaari, o dahil sa takot ay ayaw tanggapin ang proteksyong alok ng sariling bansa”.
Sa mga mayroong “refugee status” ay ibinibigay ng awtoridad ang permit to stay for political asylum – renewable, at balido ng limang taon at nagbibigay ng access sa pag-aaral, sa trabaho, sa pangangalagang kalusugan at welfare benefit buhat sa INPS.
Ang mga asylum seeker ay may karapatan sa free circulation sa loob ng EU maliban sa Denmark at United Kingdom. May karapatan din sa family reunification program ang mga mayroong political asylum at maaari ring mag-applay ng Italian citizenship makalipas nag 5 taong residency sa bansa.
Ang refugee status at mga uri ng subsidiary protection ay kinikilala matapos ang pagsusuri ng territorial committee sa pamamagitan ng iba’t-ibang antas ng hearing.
Ang committee sa katunayan sa pamamagitan ng written decision ay maaaring:
- kilalanin ang refugee status;
- hindi kilalanin ang refugee status ngunit kilalanin ang subsidiary protection;
- hindi kilalanin ang refugee status, ngunit kilalanin ang pagkakaroon ng malalang humanitarian reasons at hilingin sa awtoridad na bigyan ng permit to stay for humanitarian purposes;
- hindi kilalanin ang refugee status at ganap na tanggihan ang aplikasyon dahil walang batayan sa pagsusumite nito at nag-aplay lamang upang maantala o mapigilan ang order of expulsion o deportation.
Sino naman ang humanitarian protection status holders?
Ang Territorial Commission, sa pagkakataong hindi kilalanin ang status bilang refugee, ay maaaring hingin sa awtoridad (Questura) na isyuhan ng permit to stay for humanitarian purposes, sa kasong para sa komisyon ay mayroon malubhang humanitarian reasons at ang pagbabalik sa sariling bansa ay isang panganib.
Sino ang subsidiary protection holders?
Ang subsisiary protection ay isang uri ng international protection. Ito ay kinikilala sa sinumang walang sapat na kundisyon upang kilalanin bilang refugees, ngunit may pangangailangan sa isang uri ng international protection dahil ang pagbabalik sa sariling bansa ay maaaring maging sanhi ng malubhang pinsala. Para sa malubhang pinsala ay tinutukoy ang: kamatayan o pagpapatupad ng parusang kamatayan, labis na pagpapahirap o torture at matinding banta sa buhay sanhi ng armadong tunggalian.
Sino ang itinuturing na irregular migrant?
Ang mga migrante na pumasok sa bansa ng walang sapat na dokumentasyon o sinumang regular na pumasok ngunit sa paglipas ng panahon ay wala ng sapat na kundisyon upang manatili pa sa bansa.
Ang mga dayuhang ilegal na pumasok sa Italya ay nakalaang manatili sa mga immigration centers, ang dating CIE, kung saan sila ay kikilalanin at ikukulong bago patalsik (o pabalikin sa sariling bansa) o tiyakin ang kawalan ng kundisyon para magkaroon ng international protection.
Sa ilalim ng Decreto Minniti ay inaprubaha ang pagkakaroon ng mga CPR o Centri permanenza per il rimpatrio na kapalit ng mga dating CIE (Centri di Indentificazione e Espulsione).
PGA
sources:
interno.gov.it, tpi.it