Ako po ay magpupunta sa Italya bilang turista. Hinihingan ako ng dichiarazione di ospitalità sa Italian Embassy. Ano po ito?
Roma, Nobyembre 29, 2016 – Ang mga dayuhan na dumadating sa Italya bilang mga turista ay kailangang patunayan ang pagkakaroon ng isang lugar na tutuluyan. Ito ay maaaring isang hotel at sa ganitong kaso ay sapat na ang booking o ibang uri ng accommodation tulad ng pribadong tahanan.
Sa huling nabanggit, ang mga mamamayang Italyano o dayuhan na regular na residente sa Italya, na nagmamay-ari ng tirahan o naka-pangalan sa kontrata ng upa sa bahay ay kailangang magpadala ng pirmadong hospitality declaration o dichiarazione di ospitalità at may lakip na kopya ng ID sa taong magtutungo sa Italya. Ito ay kailangang isumite sa Embahada o Konsulado sa pag-aaplay ng tourist visa.
Ang nabanggit na deklarasyon ay kailangan ding ipadala sa mga mamamayan ng bansang mayroong bilateral agreement sa Italya na nagtatanggal ng obligasyon ng entry visa sa pagpasok at maiksing pananatili sa bansa. Sa ganitong kaso ay kailangang ipakita ang deklarasyon sa Immigration na nagpapatunay ng matitirahan pagdating sa Italya.
Sa hospitality declaration form ay kailangang ilagay ang mga personal na datos ng host at ng guest, ang address kung saan maninirahan, ang panahon at ang dahilan ng pananatili. Maaari ring kailanganin ang bank guarantee o fidejussione bancaria (kung ang taong inaanyayahan ay walang sapat na garantiyang pinansyal), at health insurance policy para sa health coverage.