Magandang araw. Ako po ay nanganak isang buwan na ang nakaraan at plano ko pong mag-aplay ng maternity o assegno di maternità sa Comune. Ako po ay hiningan ng ISEE. Ano po ba ito?
Marso 26, 2016 – Ang ISEE ay isang uri ng dokumento na ginagamit na batayan ng public administration at ilang publiko at pribadong tanggapan upang kilalanin at maipagkaloob sa isang mamamayan ang mga social benefits tulad ng:
– maternity (assegni per la maternità), bonus famiglia, bonus bebé, carta acquisti
– pagkakaloob ng mga social services at lahat ng benepisyo ukol sa pag-aaral tulad ng scholarship, scholastic meals o tulong sa nursery fee (asilo nido); tulong sa bayad sa upa ng apartment (contributo per affitto), tulong sa gas at electric bills (bonus gas e luce)
– mas mababang bayad sa basura at public transportation
– health tickets
Ang ISEE ay tumutukoy sa pinansyal na kalagayan ng pamilya, na batay sa sahod ay ibinibigay ang mga social at socio-sanitary services. Ayon sa bagong batas, inaasahan na ang mga malalaking pamilya o ang mga pamilyang mayroong anak na may kapansanan ay higit na bibigyang pansin.
Halimbawa, sa pag-aaplay ng maternity sa Comune ng halagang € 338.89 (335.21 noong 2015) , ang kalkulasyon ng ISEE ng pamilya ay hindi dapat lalampas o mas mababa sa € 16.954.95 (16,921.11 noong 2015).
Sa kalkulasyon ng sahod ng buong pamilya, sa bagong batas, ay inaasahan rin na higit na bibigyang pansin ang mga ari-arian ng pamilya tulad ng bahay na tinitirahan, pinapaupahang apartment, naipon o naitabing salapi, ang sahod sa naunang taon (lahat maging ang non taxable), ang bilang ng miyembro ng pamilya at ang edad ng mga dependants.
Kung pagkatapos magpagawa ng ISEE ay magbago ang sitwasyon sa kita (kung hindi na renew ang kontrata, o nawalan ng trabaho at iba pa) ay maaaring magpagawa ng bagong ISEE upang ang kalkulasyon ng sahod ng pamilya (reddito familiare) ay hindi lamang ibase sa naging sahod sa nakaraang taon. Mahalagang isaalang-alang na upang magawa ang pagbabagong ito sa ISEE, ang sahod ay dapat na nagkaroon ng pagbabago ng 25% kumpara sa unang naging deklarasyon.
Upang magkaroon ng ganitong uri ng sertipiko, maaaring magtungo sa mga CAF dala ang mga dokumento na nagpapatunay ng sinahod sa naunang taon, ang mga fiscal codes ng lahat ng miyembro ng pamilya at iba pa.
Paalala:
Upang maiwasan na ang aplikante ay magbigay ng mali o hindi eksaktong impormasyon, binawasan, sa bagong batas, ang paggamit ng self-certification.
(last update March 26, 2016)
Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]