Ako ay nagta-trabaho bilang kasambahay o domestic worker maraming taon na sa iisang employer. Sa taong ito, sa unang pagkakataon ay hiniling ng aking employer na sumama ako sa kanya sa ibang lungsod sa loob ng isang buwan para sa kanyang bakasyon. Ito ba ay bahagi ng aking obligasyon bilang manggagawa?
Hulyo 3, 2017 – Ang obligasyon na sumama o hindi sa employer na magba-bakasyon o lumipat ng tirahan ay dipende sa uri ng kontrata sa trabaho, samakatwid kung live-in o hindi.
Part time o hindi live-in: ang posibilidad na sundan ang employer sa kanyang paglipat ay dapat malinaw na nasasaad sa employment contract. Sa kasong ito ay hindi tinukoy, ang worker ay may karapatang tanggihan at ang kanyang pagtanggi ay hindi isang balidong dahilan ng pagtatanggal sa trabaho.
Live-in: posible na sa panahon ng pagta-trabaho, ang employer ay tanungin ang live-in worker na sumama sa ibang lugar o sa pangalawang tahanan para sa bakasyon o ibang dahilan. Sa ganitong kaso ang live-in worker ay obligadong sumama sa employer o sa taong mangangalaga sa paglilipat (halimbawa sa ikalawang tahanan malapit sa dagat o sa bundok). Ito ay dapat na isang malinaw na kundisyon na nasasaad sa employment contract ng live-in worker.
Kung hindi nasasaad sa employment contract ang obligasyon na kasamang lilipat ang kasambahay, ay ibibigay sa worker para sa lahat ng araw ng paglipat, batay sa antas ng trabaho, ang isang allowance na nag-iiba batay sa ginamit na CCNL, na maaaring mula 10% hanggang 20% bukod pa sa karaniwang sahod.
Alinman sa dalawang kasong nabanggit, ang employer ay kailangang ipagbigay-alam ito sa kasambahay o caregiver ilang araw bago ang petsa ng pag-alis, lalo na’t kung ang tutuluyan ay ibang lungsod. Bukod dito, ay kailangan ding i-refund sa worker ang mga ginastos sa biyahe at transportasyon ng mga personal na gamit, kung ang employer ay hindi inasikaso ang paglilipat ng mga ito.
Bilang panghuli, mangyaring tandaan na sa panahon ng paglilipat, ang kasambahay ay may lingguhang pahinga o day off.
ni: Maria Elena Arguello
isinalin sa tagalog ni: Pia Gonzalez-Abucay