Nakakita ako ng isang uupahang apartment, ngunit ayon sa may-ari nito ay hindi na kailangan ang i-rehistro pa ang kontrata nito. Totoo po ba ito?
Hinihingi ng batas na oblidagong irehistro sa Agenzia dell’Entrate ang kontrata sa upa o anumang uri ng pagbibigay karapatang gamitin ng buo o parsyal ang isang tahanan. Kung ang pagpaparehistro ay hindi gagawin, ang kontrata ay maituturing na walang bisa.
Ang pagpaparehistro ng upa sa bahay, bukod sa isang obligasyon sa batas, ay kailangang gawin ng dayuhan upang mapatunayan ang pagkakaroon ng regular na tirahan sa Italya para sa anumang uri ng dokumentasyon tulad ng family reunification, releasing at renewal ng permit to stay na nagpapahintulot sa 6 merits/credits ng kilalang ‘permesso a punti’ ng integration agreement.
Mahalaga rin ang pagkakaroon ng rehistradong kontrata ng upa sa bahay upang magkaroon ng sertipiko ng idoneità alloggiativa, ang hinihinging dokumento para sa nulla osta ng family reunification at ng EC long term residence permit o carta di soggiorno.
Bukod sa rehistradong kontrata ng upa sa bahay ay obligado ring gawin ang comunicazione di cessione fabbricato buhat sa nagpapatira sa dayuhan sa loob ng 48 hrs mula sa pagbibigay karapatang manirahan dito.
Ang gastusin sa pagpaparehistro ng kontrata ay hinahati sa dalawang magkaparehong bahagi sa pagitan ng may-ari at ng uupa ngunit kung nais ng may-ari ay maaaring bayaran ito ng buo o 100%. Bukod dito, bilang pagsunod sa prinsipyo na ang may-ari ang magpaparehistro, ang lahat ng multa, anumang interes ng multa sa hindi pagrerehistro ay sa may-ari ng bahay.