Ang lavoro nero o ang irregular job, ay nagaganap kung ang employer ay inempleyo ang worker ng hindi sinusunod ang nasasaad sa batas para sa pagkakaroon ng isang regular na employment.
Samakatwid, ang employer ay dapat gawin ang ‘comunicazione obbligatoria’ ng hiring at ang susunod dito ay ang awtomatikong komunikasyon sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno tulad ng Centro per l’Impiego at Inail.
Bukod sa pagbabayad ng kontribusyon ng worker sa Inps, ang employer ay kailangang sundin ang mga nasasaad sa Contratto Collettivo Nazionale del Lavoro Domestico ukol sa halaga ng sahod, antas o lebel ng trabaho, ferie o bakasyon, leave tulad ng maternity leave at sick leave, tfr, 13th month pay at iba pang benepisyo.
Ang lavoro nero ay ang pagtakas sa lahat ng mga nabanggit. Kawalan ng obligasyon at babayarang buwis para sa employer at higit na sahod naman para sa worker. Samakatwid, ang lavoro nero ay isang kasunduan sa pagitan ng dalawang partes – employer at worker.
Ano ang panganib ng ‘lavoro nero’ sa worker?
Sa pagpasok ng Job’s Act at reporma ng pagtanggap sa benepisyo ng disoccupazione o unemployment benefit, (sa pagpapatupad ng Naspi), sa katunayan ay mas lumala ang mga parusa sa lavoro nero at sa pagkakataong ito ay papatawan ng parusa hindi lamang sa employer bagkus pati sa worker.
Tulad ng alam na ng lahat, ang employer na nag-empleyo ng lavoro nero ay nanganganib ng multa hanggang €36,000 euro.
Ang lavoro nero, matapos ang reporma ng Job’s act ay isang krimen, hindi lamang sa employer bagkus pati sa worker na nanganganib ng pagkakakulong.
Sa katunayan, ang pagkakakulong hanggang 2 taon ay para sa mga worker na nagdeklara ng walang trabaho ngunit sa katotohanan ay mayroong sahod na hindi idineklara sa angkop na ahensya ng gobyerno.
Higit na mapanganib para sa worker (in nero) sa pagkakataong nag-deklara na walang trabaho upang makatanggap ng benepisyo at tulong pinansyal mula sa gobyerno, tulad ng Naspi. Ang ganitong kaso ay pinaparusahan ng batas ng pagkakakulong mula 3 buwan hanggang 3 taon.
Bukod dito, ang worker ay papatawan din ng administrative sanctions katumbas ng halagang natanggap mula sa gobyerno.
Ang worker na nag-trabaho ng hindi regular at tumatanggap ng unemployment benefit ay tatanggalan ng karapatan at maaaring kasuhan ng ahensya ng nagbigay ng benepisyo at pagbayarin ng danyos. (PGA)