in

Maaari bang bumalik sa Italya matapos ang isang deportasyon?

Ako po sa nakaraan ay binigyan ng deportation order sa Italya. Nakalipas na po ang limang taon, maaari na po ba akong makabalik sa Italya sa pamamagitan ng family reunification process? 

 

Ang administrative expulsion decree ay nagsasaad na ang dayuhan ay hindi na maaaring muling pumasok o bumalik sa bansang Italya at lahat ng Schengen countries, na karaniwang mula tatlong (3) taon hanggang limang (5) taon. At dahil sa partikular na motibo ng pagiging mapanganib ay maaaring lumampas ito ng higit sa limang (5) taon.

Ang eksaktong panahon ng hindi pagpasok sa bansa ay nasasaad mismo sa dekreto ng expulsion at ang pagbabawal ng pagpasok sa bansa ay nagsisimula sa petsa ng deportasyon na pinatutunayan ng timbro ng paglabas ng Italya sa pasaporte ng migrante. Makalipas ang panahong nabanggit, ang dayuhan samakatwid ay maaaring muling makapasok sa bansa at maaaring matanggap sa trabaho at ma-hire sa pamamagitan ng decreto flussi.

Gayunpaman, bago muling makapasok ay kailangang magsumite ng readmission request o richiesta di riammissione sa Embahada o Konsulado ng Italya sa Pilipinas. Sa pagkakataong ito ay kailangang patunayan na tunay na malayo at wala sa bansang Italya katulad ng pagpapakita ng pasaporte kung saan mayroong timbro ng paglabas ng Italya at ilang dokumentasyon na magpapatunay ng pananatili sa Pilipinas tulad ng medical certificate o sertipiko ng anumang kurso at ibapa.

Susuriin ng konsulado ang pagkakakilanlan ng aplikante at isusumite ang aplikasyon sa Ministry of Interior. Ang Ministry, matapos matanggap ang lahat ng dokumentasyon, ay susuriin ang pagkakaroon ng mga requirements para sa re-entry sa Italya. Magandang ugaliin ang suriin ang sariling pangalan kung kabilang sa Sistema d’Informazione Schengen (SIS), sa pamamagitan ng isang request sa Minsitry of Interior. Kung sakaling malalaman na nasa listahan pa rin, ay kailangang hilingin ang kanselasyon sa nasabing listahan upang maiwasan ang anumang problema sa pagbabalik sa Italya.

Paano makakabalik sa Italya sa panahon ng ‘divieto di reingresso’

Kailangang isaalang-alang na ang dayuhan na nakatanggap ng expulsion order ay hindi maaaring makabalik sa Italya sa panahong nabanggit sa dekreto ng walang anumang awtorisasyon buhat sa Ministry of Interior. Ang lalabag dito ay pinaparusahan ng batas ng pagkakabilanggo mula 1 hanggang 4 na taon at muling papatawan ng agarang deportasyon kasabay ng paghahatid dito sa frontier. Ang nabanggit na awtorisasyon ay hinihingi ng aplikante sa Embahada o Konsulado ng Italya sa Pilipinas at ipinagkakaloob sa ilang partikular na kaso tulad ng family reunification, matapos magbigay ng awtorisasyon ang  juvenile court o sa dahilan ng katarungan (sa presenya sa hukuman kung mayroong hearing).

Paalala: Ang administrative expulsion na ipinataw sa dayuhan na sumailalim sa frontier control at hindi direktang ipinadala sa frontier dahil sa kakulangan ng mga requirements sa pagpasok sa bansa ay irrevocable o permanente alinsunod sa artikulo 13 ng GLgs 286/98.

Ito ay para rin sa mga pinatawan ng expulsion decree dahil sa pagiging overstayer sa Italya gayun din sa mga nakatanggap ng pagtanggi o pagpapawalang bisa ng releasing o renewal ng permit to stay. Ang parehong panuntunan ay ipinatutupad din sa sinumang hindi nagrenew ng permit to stay sa loob ng itinakdang panahon o 60 araw matapos ang expiration nito ng walang balidong dahilan.

Wala sa Testo Unico per l’Immigrazione o sa anumang regulasyon ang nagpapawalang bisa sa explusion decree. Ang dekreto ay hindi maaaring pawalang bisa sa ganitong kaso dahil hindi ito ipinataw sanhi ng anumang partikular na kriteryo bagkus ang dayuhan ay sumuway sa patakaran ng pagpasok at pananatili sa bansa ng walang anumang hindi maiiwasang dahilan at dahil dito ang awtoridad ay nagpataw ng expulsion decree bilang pagsunod sa nasasaad sa batas.

ni: D.ssa Maria Elena Arguello

isinalin sa tagalog: PGA

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Mga dapat malaman tungkol sa Myoma

Ilang impormasyon ukol sa Decreto Flussi 2019, tinalakay ni Salvini