Tulad ng unang inilathala ng akoaypilipino.eu, sa decreto Natale ay walang malinaw na nasasaad na pagbabawal kung ilang katao ang maaaring imbitahan sa sariling tahanan sa Pasko o sa Bagong Taon, bagkus ay kinukumpirma nito ang matinding rekomendasyong huwag tumanggap sa bahay ng mga bisita na hindi conviventi.
Samakatwid, ang pagre-report ng kapitbahay sa awtoridad ay hindi dahil sa presensya ng ilang bisita sa sariling bahay, bagkus ay dahil sa pagkakaroon ng ‘assembramento’ sa loob ng tahanan dahil sa presensya ng higit na katao at hindi pagsunod sa health protocol na ipinatutupad: distansya ng higit sa 1 metro at ang pagsusuot ng mask sa kaso ng presensya ng ibang tao sa loob ng tahanan. Ito ay pinaparusahan ng batas, ayon sa artikulo 4 ng DL 19/2020.
Kahit sino ay maaaring mag-report ng ‘assembramento’ at iba pang paglabag sa awtoridad. Sapat na ang tumawag sa Vigili Urbani, Polizia, Carabinieri at Guardia di Finanza.
Gayunpaman, ang pagtawag na ito ay hindi palaging nagtatapos sa isang ‘denuncia’o report, bagkus ito ay isang senyales sa awtoridad ng posibleng paglabag o posibleng hindi pagsunod sa rekomendasyon ng gobyerno. Matatandaang ang dekreto ay nagtatangal sa mga pagdiriwang o mga parties sa pribado at publikong lugar. Samakatwid, walang mega reunion ng mga pamilya at magkakaibagan ngayong Pasko. Bawal ang mga Christmas parties.
Nasa kamay ng awtoridad, batay sa mga pagsusuri at pag-iimbestiga sa aabutang sitwasyon, kung ang itinawag ng kapitbahay ay tunay na tumutukoy sa isang paglabag at kung ito ay simpleng maling akala lamang.
Tandaan, malaki ang pagkakaiba kung ang aabutan ng awtoridad ay 20 katao sa loob ng isang bahay na nagkakatuwaan o marahil ay nagkakantahan at nagkaka-inuman sa 8 katao marahil ay iisang pamliya na sama-sama lamang nagtatanghalian o naghahapunan.
Isang payo para sa isang hassle-free, mapayapa at malusog na Pasko at Bagong Taon para sa lahat, ang pagsunod sa kinauukulan at mga tagubilin ng batas ay para sa ikabubuti ng ating mga sarili, ng mga mahal sa buhay, ng komunidad at ng buong bansa, ang Italya na kumukupkop sa ating mga dayuhan at nagbibigay ng isang mas maginhawang pamumuhay para sa atin at sa ating mga pamilya. (PGA)
Basahin din:
- Decreto Natale, narito ang nilalaman
- Paano ipagdiriwang ang araw ng Pasko, batay sa decreto Natale
- Autocertificazione sa Pasko, narito kung kailan kakailanganin
- Ilang katao ang maaaring imbitahan sa sariling bahay sa Pasko?
- Multa mula € 400 hanggang € 1000 sa mga lalabag sa DPCM ng Dec 3