Ako ay regular na nagta-trabaho sa Italya. Ang aking anak, 21 anyos, ay nasa Pilipinas, kasalukuyang walang trabaho at aking sinusustentuhan. Maaari ko ba syang petisyunin?
Maraming mga dayuhang manggagawa sa Italya ang iniwan ang mga anak sa sariling bansa at nagpatuloy sustentuhan ang mga ito sa pamamagitan ng kanilang sahod at ipon kahit na malaki na ang mga ito.
Ito ay dahil ang karapatang petisyunin ang mga anak na nasa wastong gulang o may edad mula 18 anyos papuntang Italya sa pamamagitan ng family reunification ay hindi maaari.
Sa katunayan, ang Batas sa Imigrasyon (Dlgs 286/1998) ay nagpapahintulot sa reunification ng mga anak na nasa wastong gulang o hihigit sa 18 anyos sa ilang piling sitwasyon lamang. Ito ay dapat na tumutukoy sa “anak na nasa wastong gulang na dependent, na hindi kayang maibigay ang pansariling pangangailangan dahil sa kalagayan ng kalusugan na sanhi ng total disability” (Artikulo 29 talata 1 letra c)
Samakatwid ay hindi sapat, na ang anak ay ‘carico’ o dependent at walang trabaho, at kahit na mayroong malubhang karamdaman dahil ayon sa batas ay total invalidity lamang tanging dahilan upang ma-petisyon ang anak na nasa wastong gulang. Ang kundisyong ito ay maaaring patunayan sa pamamagitan ng mga sertipiko buhat sa duktor na itinalaga ng Italian embassy o konsulado sa sariling bansa, sa sariling gastos ng aplikante.