Ako ay isang colf at ako po ay agarang tinanggal sa trabaho ng aking employer. Maaari ba akong tanggalin at sabihan na huwag ng pumasok sa susunod na araw?
Sa domestic job, ang colf o domestic helpers at mga caregiver ay nasasakop ng isang partikular na collective contract na marami ang pagkakaiba kung ikukumpara ang kasunduan sa labor union, sa ibang kategorya ng mga manggagawa.
Ang pangunahing pagkakaiba ay ang tungkol sa pagpapaalis o termination o licenziamento, na hindi palaging mayroong dahilan o motivated. Sa madaling salita, ay maaaring tanggalin sa serbisyo ang isang colf o caregiver kahit kailan, ng walang anumang sapat na dahilan hindi katulad sa ibang uri ng employment.
Kahit pa naging maganda at regular ang takbo ng employer-colf relation at kahit ang colf ay hindi nagkulang sa employer nito, naging tapat sa serbisyo at sa kanyang trabaho, kahit walang anumang financial issue ang employer upang tanggalin ang colf, ay maaari pa ring tanggalin sa serbisyo ng employer ng walang anumang dahilan. Ang natatanging obligasyong nasasaad sa batas ay ang pagbabayad ng sahod, separation pay at ang abiso.
Ngunit maaari bang sabihan ang colf na huwag ng pumasok sa trabaho sa susunod na araw?
Ang employer na nagtatanggal sa trabaho ay maaaring sabihan ang colf na huwag ng pumasok sa susunod na araw. Ang abiso sa katunayan ay hindi obligado, ngunit sa ganitong kaso ay kailangang bayaran sa colf ang huling sahod at ang kabayaran sa hindi pagbibigay ng abiso o ang indennità sostitutiva del preavviso. Ang employer ay mayroong dalawang pagpipilian:
- Tanggalin ang colf ng may abiso at bayaran ng regular ang colf sa panahon ng abiso;
- Tanggalin agad ang colf at bayaran ang kawalan ng pagbibigay ng abiso.
Maaari ring iwasan ang pagbibigay ng abiso kung ang pagtatanggal ay dahil sa “giusta causa” o kung ang colf ay nagkasala at dahil sa maling pag-uugali ay hindi na maaaring ipagpatuloy pa ang hiring ng kahit isang araw lamang.
Ang kadalasang dahilan upang tanggalin ang colf dahil sa “giusta causa” ay ang sumusunod:
- hindi totoong pagkakasakit o pekeng aksidente;
- tangkang pagnanakaw;
- hindi makatwirang pagliban sa trabaho o maagang pagwawakas ng trabaho;
- hindi pagsunod at paulit-ulit na patanggi na gampanan ang trabaho.
Ang abiso ay hindi kailangang bayaran kung ang pagtatanggal sa trabaho ay naganap sa panahon ng pagsubok o probationary period.
Araw ng abiso bago tanggalin sa trabaho, karapatan ng mga colf