Ang aking asawa at ako ay naninirahan sa Italya ng tatlong taon na. Ang aking asawa ay mayroong 2 anak sa kanyang unang kasal. Siya ay hindi nagta-trabaho, ako lamang. Maaari ba akong mag-aplay ng family reunification kahit hindi ko sila mga anak? Mangangailangan ba ito ng partikular na dokumento?
Pinahihintulutan ng batas na petisyunin o kunin ang anak ng asawa sa pamamagitan ng family reunification sa kundisyong ang isang magulang sa Pilipinas ay magbibigay ng awtorisasyon.
Ito ay nangangahulugan na ang isang dayuhan ay maaaring mag-aplay para sa reunification ng mga anak ng asawa, kahit na ang mga bata ay hindi kanyang anak (dahil sila ay ipinanganak mula sa nakaraang kasal ng asawa) sa pagkakaroon lamang ng pahintulot mula sa isang magulang.
Ang mga kinakailangan para sa proseso ng family reunification sa kasong ito ay hindi napapalitan: angkop na bahay, relasyon, sapat na kita mula sa lehitimong paraan. At kailangan lamang idagdag, ang pahintulot sa reunification ng isang magulang sa Pilipinas.
Upang mapatunayan ang pahintulot ng magulang sa Pilipinas, ay kailangang magsumite sa Italian embassy ng SPA o authorization to travel, legalized at translated. Ang kawalan nito ay hindi magpapahintulot sa mga menor de edad na magpunta at manirahan sa Italya.
Bilang pagtatapos, ang biological parent ng menor de edad na naninirahan sa Italya na hindi nagta-trabaho at walang sahod ay maaari ring magsumite ng aplikasyon ng family reunification gamit ang salary ng ikalawang asawa. Mahalaga, na ang sahod nito ay tumutugon sa minimum required salary para sa proseso ng family reunification at sa bilang ng mga dependents. Ipinapaalala rin na sa kalkulasyon ay dapat isaalang-alang ang mga menor de edad na nasa Italya at nasa Pilipinas.