Mayroon akong EC long term residence permit at aking naisip kamakailan ang pagbabakasyon sa Pilipinas ng matagal na panahon. Sa akin bang pagbalik sa Italya ay balido pa rin ito o maaaring pawalang-bisa makalipas ang itinakdang panahon?
Batay sa kasalukuyang batas, ang sinumang mayroong EC long term residence permit o carta di soggiorno ay maaaring lumabas ng bansang Italya para sa maximum period ng 12 buwan na sunud-sunod ng hindi manganganib na ito ay pawalang-bisa.
Samakatwid, sa Pilipinong lalabas ng bansang Italya papuntang Pilipinas o sa anumang non-Eu countries, ang carta di soggiorno ay maaaring pawalang-bisa makalipas ang (1) isang taon.
Ngunit kung ang pupuntahan ay isang European country, ang carta di soggiorno ay pawawalang-bisa makalipas ang 6 (anim) na taon. Ngunit kung mabibigyan ng panibangong EC long term residence permit sa ibang State member ng European Union, ang carta di soggiorno na inisyu sa Italya ay pawawalang-bisa.
Iba naman ang kaso kung ang permit to stay ay balido ng isa o dalawang taon. Nasasaad sa batas na ang maximum period sa paglabas ng bansa ay hindi maaaring mas matagal kaysa sa kalahati ng validity ng hawak na permit to stay.
Samakatwid, ang sinumang mayroong permit to stay na balido ng isang taon ay maaaring lumabas ng bansa hanggang anim na buwang tuluy-tuloy. Kung ang permit to stay naman ay balido ng dalawang taon, ay maaaring lumabas ng bansa hanggang isang taon.
Paalala: Ang mga limitasyong ito ay hindi balido kung ang pananatili sa ibang bansa ay sanhi ng malubha at hindi inaasahang pagkakataon tulad ng hospital admission o rehabilitation, pagtupad sa military obligations, malubhang kalagayan ng asawa, magulang o miyembro ng pamilya ng frist degree. Sa ganitong mga kaso ay kailangang ipakita ang mga related documents na nagpapatunay sa kaganapan, lakip ang translation at authentication ng mga ito.
ni: D.ssa Maria Elena Arguello
isinalin sa tagalog ni: PGA