Ako ay isang Pilipina at mayroong permit to stay anim na taon na, nais kong mag-aplay ng EC long term residence permit o ng dating carta di soggiorno ngunit 4 na buwan akong nasa labas ng Italya. Ang paglabas ko ba na ito ng bansa ay makaka-apekto sa pag-aaplay ng permit to stay?
Hunyo 12, 2013 – Ayon sa Batas ng Imigrasyon, art. 9 ng D. Lgs. 286/98, ang mga dayuhan na nagtataglay ng permit to stay ng di bababà sa 5 taon, ay mayroong karapatan upang mag-aplay ng EC long term residence permit (ex carta di soggiorno), kung nagtataglay ng sapat na sahod o kita, walang anumang police record at nakapasa sa Italian language test.
Sa kalkulasyon ng limang taon ay hindi kabilang ang mga sumusunod:
– Maikling panahon ng pananatili: panahong mas mababa ng 3 buwan para sa dahilan ng bakasyon, negosyo at pag-aaral.
– Pananatili sa Italya na ang juridical status ay batay sa Vienna Convention ng 1961 sa mga diplomatic relation (diplomats), ng Vienna Convention ng 1963 sa mga consulate relations (consuls), ng 1969 Convention ukol sa mga special missions o ng Vienna convention ng 1975 sa mga State representatives batay sa international organization (UN).
Ito ay nangangahulugan na ang dayuhan na nasa Italya ng limang taon, ngunit sa unang taon halimbawa, ay mayroong isang uri ng permit to stay na nabanggit sa itaas ay kailangang maghintay ng isa pang taon upang mag-aplay ng EC long term residence permit.
Gayunpaman, ay hindi kabilang sa mga maaaring mag-aplay ng EC long term residence permit, batay sa Circular n. 400/A/2007/463/P/10.2.2 ng Pebrero 16, 2007 ng Ministry of Interior, ang mga dayuhang mayroong permit to stay para sa pag-aaral, formation courses, temporary international protection, humanitarian, asylum at mga short term permit to stay.
Alinsunod sa art. 9, talata 6 ng nasabing batas, ang absences ng mas mababa sa 6 na magkakasunod na buwan at hindi lalampas ng 10 buwan sa loob ng limang taon ay kabilang sa kalkulasyon ng limang taon ng regular na pananatili, bilang isa sa mga requirements ng EC long term residence permit. Ito ay nangangahulugan na ang dayuhang permit to stay holder at lumabas ng bansang Italya sa panahong di lalampas ng 10 buwan, at hindi lalampas ng 6 na buwang sunud-sunod, ay maaaring mag-aplay ng EC long term residence permit.
Sa mga kasong ang dahilan ng pansamantalang pag-alis sa Italya ay higit sa panahong nabanggit (higit sa 6 na buwang sunud-sunod o higit sa kabuuan ng 10 buwan) at ang dayhan ay kayang patunayan na ito ay dahil sa obligasyong militar, malubha at dokumentadong dahilan ng kalusugan o mga di-inaasahang pangyayari, ay maaaring isama sa kalkulasyon o pagbilang ng limang taong kinakailangan ng nasabing dokumento, upang isaalang-alang na patuloy at walang patid ang pananatili.