Isang dayuhan ang nag-aplay ng renewal ng permit to stay lakip ang employment contract bilang isang caregiver ngunit ito ay hindi tinaggap ng Questura dahil ang inalagaan ay miyembro ng pamilya at walang anumang katibayan ng employment.
Ito ang nilinaw sa isang hatol ng TAR o Regional Administrative Court natapos magsampa ng reklamo ang dayuhang tinanggihan ang renewal ng permit to stay.
Isang dayuhan, 20 taon ng naninirahan sa Italya at may regular na permit to stay per lavoro subordinato ang tinanggihan ng Questura sa Perugia ang renewal ng dokumento. Ito umano ay dahil hindi nagre-resulta ang lavoro domestico at ang kontribusyon ay bayad lamang hanggang 2014. Bukod pa sa kahina-hinalang employment dahil sa koneskyon nito sa employer.
Nagsampa ng reklamo ang dayuhan sa TAR matapos tanggihan ng Questura at sinabing ang kontribusyon para sa mga taong 2015 at 2016 ay nabayaran at naging regular dahil sa sanatoria.
Ayon sa reklamo ng dayuhan, ang pagkukulang umano ng employer na hindi magbayad ng kontribusyon ay hindi kasalanan ng worker. Kinuwestyon din ang hindi pagsasaalang-alang ng Questura sa pagiging bahagi na ng sosyedad at ng ekonomiya sa loob ng 20 taong paninirahan nito sa bansa bagkus ay ang koneksyon ng dayuhan sa employer nito na kanyang kapamilya.
“Ang reklamo ay walang basehan at dapat tanggihan” , ayon sa TAR.
Hindi maituturing na ito ay employment dahil ito ay tumutukoy sa pag-aalaga sa sariling kapamilya, partikular sa kanyang lola.
Ang naging deklarasyon ng pagbibigay ng sahod na € 7,000 (gross) sa isang taon ay hindi rin matatanggap dahil ang tiyuhin ay kumikita lamang ng 15,000 to 17,000 na sahod (gross) kada taon.
Bukod dito,batay sa mga dokumento na isinumite ng tiyuhin, ay walang anumang katibayan ng employment, tulad ng pagtanggap ng regular na sahod at samakatwid hindi ito maituturing na nag-trabaho bilang isang caregiver.