Ako ay nag-aplay ng family reunification para sa aking anak ngunit sa ngayon ay nag-18 anyos na sya. Bibigyan pa kaya ako ng nulla osta?
Setyembre 20, 2016 – Batay sa family reunification process, ay isinasaalang-alang ang edad ng pine-pitisyong anak sa pagsusumite ng aplikasyon at hindi ang edad sa releasing ng nulla osta.
Ito ay nangangahulugan na ang aplikasyon ay kailangang maisumite sa Prefecture habang ang anak ay wala pang 18 anyos. Ang requirement na ito ay balido rin para sa mga adopted minors o legal guardians dahil itinuturing ang mga bata bilang tunay na anak.
Samantala, para sa petsa ng pagsusumite ng aplikasyon ng family reunification ay tinutukoy ang petsa ng online submission nito sa website ng Ministry of Interior. Sa katunayan, matapos ipadala ang aplikasyon, ang sistema ay awtomatikong nagbibigay ng resibo kung saan nasasaad ang code ng concerned Prefecture, ang datos ng aplikante, petsa at oras ng pagpapadala ng aplikasyon. At patutunayan ng resibong nabanggit na ang aplikasyon ay naisumite bago sumapit ang age of majority ng anak ng aplikante.
Ang family reunification ng anak na higit 18 anyos ay maaari lamang gawin sa pagkakaroon ng dalawang partikular na kundisyon. Pangunahing requirement ay ang pagiging dependent ng anak dahil suliranin sa kalusugan at kawalan ng kapasidad na matugunan ang pangunahing at personal na pangangailangan nito. Sa madaling salita, ay may total disability at ganap na umaasa sa mga magulang. Ang katayuang ito ay dapat na may angkop na dokumentasyon.
Nananatili ang mga pangunahing requirement na hinihingi ng family reunification tulad ng angkop na tahanan (alloggio idoneo), sapat na sahod mula sa legal na paraan na kinakalukula batay sa halaga ng assegno sociale ng taon ng pag-aaplay at nadadagdagan ng kalahati ang halaga nito para sa bawat anak na dependent.