Magandang araw. Ako ay isang Pilipino at regular na nagta-trabaho sa Italya ng maraming taon na. Ako ay natanggal sa trabaho. Ano ang dapat kong gawin? Sino ang maari kong lapitan? Maraming salamat po.
Ang pamamaraan ng pagtatanggal sa trabaho at ang pagtutol dito, ay sumailalim sa maraming mga pagbabago sa mga nakaraang taon. Inirerekomenda unang-una sa lahat, kung itinuturing na hindi makatarungan at unjustified ang pagkakatanggal sa trabaho, ang makipag-ugnay sa isang abogado sa larangan ng trabaho o sa mga unyon ng mga manggagawa o isang asosasyon na nagtatanggol sa mga karapatan ng mga manggagawa. Sa mga unyon ng manggagawa, ay karaniwang ipinagkakaloob ang legal assistance kung saan maaaring makatanggap ng lahat ng mga angkop na payo kung paano ang tamang proseso.
Uri ng pagtatanggal sa trabaho
Ang pagtatangal sa trabaho ang pinaka-matinding sukatan na maaaring gawin ng employer laban sa kanyang worker. Para sa kadahilanang ito, dapat ay makatarungan at dapat na ipinagbibigay-alam sa worker sa pamamagitan ng abiso. Sa katunayan hindi maituturing na balido ang pagtatanggal sa trabaho kung berbal lamang itong ginawa. Hindi sapat na gawin ang komunikasyon kundi dapat ay ipaliwanag din ng employer sa abiso ang mga dahilan kung bakit ginagawa ang pagtatanggal sa trabaho.
Ang Pagtutol (Impugnazione)
Pagkatanggap ng abiso ng pagtatanggal sa trabaho, ang worker ay dapat ipahayag ang hindi pagsang-ayon o pagtutol sa loob ng 60 araw kung saaniisa-isahin ang mga dahilan kung bakit itinuturing na hindi makatarungan ang pagtatangal sa trabaho.
Ang hindi pagsang-ayon ay dapat gawin sa pamamagitan ng liham at ipapadala sa pamamagitan ng registered mail with return card, o sa pamamagitan ng ibang paraan tulad ng fax na magpapakita ng patunay na natanggap ng employer ang komunikasyon.
Matapos ipahatid ang hindi pagsang-ayon sa employer, dalawa ang alternatibo para sa worker: ang subukan ang pakikipagkasundo, o ang subukan ang gumawa ng isang kasunduan, o ang maghain ng apela sa korte (Tribunale). Ipinapayong magpatulong sa abugado sa parehong kaso.
Hanggang 2010, ang pakikipagkasundo sa employer ay obligado. Kinakailangan muna ang subukang makipag-kasundo sa employer bago ang magtungo sa hukom (giudice). Ngunit kadalasan ang proseso ng pakikipagkasundo ay hindi natatapos ng maayos at nagiging dahilan upang mapabayaan sa mababang panahon ang karapatan ng worker, ang batas ay ginawa itong opsyonal.
Sa kasalukuyan, ang worker ay may karapatan upang pumili sa pagitan ng subukan ang makipag-kasundo sa employer o ang mag-apela sa korte. Isang partikular na kaso ng obligatory conciliation ang ipinagtibay noong nakaraang Hulyo. Ito ay tumutukoy sa pagtatanggal sa trabaho mula sa isang kumpanya na mayroong higit sa 15 empleyado at ang pagkakaroon ng makatarungang dahilan ng pagtatanggal (hal. ang krisis sa kumpanya). Sa ganitong kaso ang pagtatangkang makipagkasundo ay obligado.
Ang pagtatangkang makipagkasundo
Kung ang manggagawa ay magpasyang makipagkasundo, ay kailangang lumapit sa Direzioni provinciali del lavoro sa loob ng 180 araw mula sa pagkakatanggal sa trabaho. Kungmagkakasundo ay ihahanda ang ‘minutes’ kung saan ipapaloob ang naging kasunduan. Kung hindi naman magkakasundo, ang worker ay mayroong 60 araw para mag-apela sa korte.
Ang apela sa Korte
Bilang alternative sa pagtatangkang makipagkasundo, ang worker ay maaaring lumapit sa Tribunale. Sa ganitong kaos, ang apela ay kailangang ihain sa loob ng 180 days mula sa araw ng pagtutol sa pagkakatanggal sa trabaho. Inuulit ang payong nabanggit sa itaas, sa pagkakatanggal sa trabaho o sa anumang uri ng disciplanary actions laban sa worker, ay ang lumapit sa union, asosasyon o abugado. (Avv. Andrea De Rossi –isinalin ni Pia Gonzalez)