Ako ay ganap ng mamamayang italyano. Nais kong malaman kung maaari ring maging mamamayang italyano ang aking asawa. Anu-ano ang mga requirements?
Roma, Enero 9, 2017 – Kahit sa mga kabiyak na non-Italians ng mga banyagang mamamayan na naging ganap na Italyano o naturalized Italian citizens ay ipinatutupad ang artikulo 5 ng Batas 91/92, kung saan nasasaad ang pagiging mamamayang Italyano dahil sa kasal.
Ito ay nangangahulugan na ang kabiyak na dayuhan ay maaaring magsumite ng aplikasyon para sa pagkamamamayan, kung parehong residente sa Italya, makalipas lamang ang dalawang taon mula sa pagiging naturalized Italian citizen ng asawa nito kahit na kasal na ng higit sa 2 taon o makalipas ang 3 taon kung ang mag-asawa ay residente sa labas ng bansang Italya.
Samantala kung ikinasal matapos magkaroon ng Italian citizenship, ang panahon ng pagsusumite ng aplikasyon ay mula sa pagiging residente sa Italya matapos ikasal o mula sa petsa ng kasal kung ang residente sa labas ng Italya. Ang panahon ng 2 o 3 taon ay nababawasan ng kalahati sa pagkakaroon ng anak o pag-aampon ng mag-asawa.
Upang matiyak kung kailan magsisimula ang kinakailangang panahon, ay kailangang isaalang-alang na ang dayuhan ay nagiging ganap na Italyano mula sa sumunod na araw matapos ang panunumpa sa Comune o sa Konsulado ng Italya sa ibang bansa.
Halimbawa, sa unang nabanggit na kaso, kung ang dayuhan ay nanumpa sa Comune para maging naturalized Italian citizen ng Nov 24, 2012, simula Nov 25, 2012 ang pagiging ganap na Italyano. Sa ganitong kaso, ang kabiyak na dayuhan ay maaari lamang magsumite ng aplikasyon ng citizenship by marriage ng Nov 25, 2013 kung ang mag-asawa ay mayroong anak o ampon at Nov 25, 2014 naman ang petsa kung walang anak. Samantala sa ikalawang kaso naman, kung ang mag-asawa ay residente sa labas ng Italya, ang aplikasyon ay maaaring isumite sa Konsulado ng Italya ng Nov 25, 2015 kung walang anak o ampon o ng Nov 25, 2013 kung mayroon namang anak o ampon ang mag-asawa.