Ako ay isang naturalized Italian at ang aking kapatid ay nasa Italya bilang turista higit 3 buwan na at nais na manatili sa Italya kapiling ako. Maaari bang maging regular ang kanyang pananatili at magkaroon ng permesso di soggiorno ng hindi babalik sa Pilipinas?
Ang artikulo 19 ng Immigration Act ay nagtalaga ng iba’t ibang kaso kung saan ang mga non-EU nationals, kahit na hindi regular ang pananatili sa Italya, ay hindi maaaring mapatalsik mula sa bansang Italya.
Ito ay pangunahing tumutukoy sa mga malalapit na miyembro ng pamilya ng mga Italian citizen at maaaring magkaroon ng permit to stay kahit na hindi regular o undocumented, bilang pagsunod sa karapatan ng family reunification.
Partikular, hindi maaaring mapa-deport ang mga non-EU nationals na miyembro ng pamilya hanggang ikalawang grado (tulad ng kapatid) na kapisan o ang asawa ng isang Italian o European citizen, maliban na lamang kung ang mga nabanggit ay isang panganib sa kaayusan at katahimikan ng seguridad ng bansa.
Bunga ng batas na ito ay obligasyon ng Questura ang mag-isyu ng dokumentong magpapahintulot sa regular na paninirahan sa bansa sa mga nabanggit.
Ngunit ang lahat ng ito ay posible lamang sa ilang mga kundisyon.
Una sa lahat, ang asawa o kapatid hanggang ikalawang grado na walang regular na permit to stay, ay kapisan o convivente ng naturalized italian.
Upang mapatunayan naman ang kakayahang pinansyal ay sapat na ang naturalized Italian citizen ay gumawa ng “dichiarazione di presa a carico”, kung saan nasasaad ang obligasyong akuin ang obligasyong pinansyal para sa pangangailangan at ikabubuhay ng non-EU national.
Sa pagkakaroon ng mga nasabing kundisyon, ang dayuhang hindi regular o undocumented ang pananatili sa bansa ay maaaring mag-request ng permesso di soggiorno per motivi familiari. Tanging ang asawa lamang ng italian citizen ang maaaring mag-aplay ng carta di soggiorno para sa miyembro ng pamilya (art. 10 ng D. Lgs. 30/2007).
Pamamaraan sa pag-aaplay
Kung ang aplikante ay undocumented sa Italya, maaaring hindi kahit kailan nagkaroon ng permit to stay o expired na higit sa isang taon ang nabanggit na dokumento, ay maaaring direktang mag-request sa Immigration office ng Questura para sa aplikasyon.
Kahit ang asawa ng italian citizen ay kailangang direktang mag-request ng carta di soggiorno sa Questura.
Kahit sa kasong ang dayuhan ay mayroong ibang uri ng permit to stay tulad ng cure mediche (pagpapagamot), stagionale (seasonal) at ito ay expired ng hindi lalampas sa 1 taon, ang aplikasyon para sa releasing ng permit to stay per motivi familiari ay direktang gagawin rin sa Questura.
Sa pag-aaplay ay kailangang ilakip ang kopya ng lahat ng dokumentasyong hinihingi ng batas tulad ng sertipiko na nagpapatunay ng relasyon na inisyu sa sariling bansa, balidong pasaporte, dichiarazione di presa a carico, ang unang permit to stay ng aplikante at pati na rin ang dokumento ng Italian o national.
Ang Questura, matapos ang pag-aaplay ay gagawa ng kaukulang pagsusuri upang mapatunayan ang pagiging kapisan ng dayuhan sa kamag-anak na italyano at pagkatapos ay mag-iisyu ng permesso di soggiorno per motivi familiari na magbibigay ng karapatan sa regular na pananatili ng dayuhan, kasama ang karapatang makapag-trabaho sa Italya.
ni: Atty. Mascia Salvatore
isinalin sa tagalog ni: Pia Gonzalez-Abucay
Basahin din:
Turista, maaari bang mag-aplay ng permesso di soggiorno per lavoro?