Ako po ay nawalan ng trabaho. Permesso di lavoro subordinato ang aking hawak at ito ay balido nang isang taon na lamang. Maaari ba itong pawalang bisa? Maaari ko ba i-renew ito kung hindi ako magkakaroon ng bagong trabaho?
Ang pagkawala ng trabaho ay hindi sanhi sa pagpapawalang-bisa ng isang permit to stay ng isang non-EU worker.
Ang isang dayuhang manggagawa na mayroong permesso di soggiorno per lavoro subordinato na nawalan ng trabaho, o kahit sa kasong nagbitiw sa trabaho, ay maaaring magpatala bilang walang trabaho at gawin ang dichiarazione di immediata disponibilità (DID) sa panahong nananatiling balido ang permit to stay. Samakatwid, ang unang hakbang na dapat gawin ay siguraduhing nakapagpatala sa Centri per l’Impiego. Sa ilang mga kaso, tulad ng collective termination, ang pagpapatala ay awtomatiko matapos ang komunikasyon buhat sa employer.
Matapos ang pagsusuri at pagpapatala sa Centro per l’Impiego, ang worker ay maaaring maghanap muli ng trabaho na hindi kakailanganin ang palitan o baguhin ang hawak na permit to stay.
Sa expiration ng hawak na permit to stay, kung hindi nakakita ng bagong trabaho o employer, ang dayuhan ay maaaring mag-aplay sa conversion ng hawak na dokumento sa permesso per attesa occupazione gamit ang kit na matatagpuan sa Sportello Amico ng mga post offices. Bukod sa sinagutang mga forms na matatagpuan sa loob ng kit, ay kailangang ilakip ang kopya ng permit to stay,pasaporte at ang sertipiko ng ginawang pagpapatala sa Centro per l’Impiego. Kakailanganin rin ang isang revenue stamp o marca da bollo na nagkakahalaga ng 16 euros.
Ang Questura, matapos gawin ang mga kinakailangang pagsusuri, ay ibibigay ang permesso di soggiorno per attesa occupazione na balido ng isang (1) taon.
Ang Questura ay obligadong ibigay ang renewed permit to stay na balido ng isang taon sa dayuhan, sa kabila ng katotohanang ang aplikante ay pinakinabangan na ang panahong nalalabi habang balido pa ang dating hawak na permit to stay sa paghahanap ng trabaho (basahin ang Consiglio di Stato sentenza n. 06069/2014).
Tandaan na ang permesso per attesa occupazione, ay maaari lamang ma-renew/ma-convert sa expiration nito, sa pagkakaroon lamang ng bagong employment contract.
Bilang pagtatapos, ang dayuhang naghahanap ng trabaho ay may karapatan rin sa family reunification o ricongiungimento familiare at maaaring i-convert ang hawak na permit to stay per attesa occupazione sa motivi familiari, sa pagkakaroon ng sapat na requirements tulad ng angkop na tirahan at sapat na sahod ng miyembro ng pamilya na magpo-proseso ng family reunification.
Gayunpaman, kung ang manggagawa ay kwalipikado sa pagtanggap ng tulong pinansyal o ng unemployment benefit na tinatawag na Naspi o Nuova Assicurazione Sociale per l’Impiego, ang pagpapatala sa Centro per l’Impiego ay kailangang gawin para sa pagtanggap ng tulong pinansyal.
Basahin rin:
Naspi, pinadali ang requirements para sa mga colf