Ako ay isang naturalized italian citizen at nais ko sanang manatili na rin sa Italya ang aking mga magulang na nagpunta dito bilang turista. Ano po ang aking dapat gawin?
Ang mga non-EU nationals na dumating sa Italya bilang turista ay hindi maaaring mag-trabaho sa bansa at samakatwid ay hindi maaaring mag-aplay ng permesso di soggiorno per lavoo.
Ang unang hakbang na dapat malaman upang maging regular ang pananatili sa Italya ng mga magulang o miyembro ng pamilya na walang regular na permit to stay – maaaring overstay o undocumented – ay ang pagkakaroon ng miyembro ng pamilya ng naturalized italian citizen by birth o by residency.
Upang mapatunayan ang relasyon bilang mag-ina o mag-ama, ay kinakailangan ang birth certificate kung saan malinaw na nasasaad ang pangalan ng mga magulang, bukod pa sa carta d’identità at Italian passport.
Kung ang birth certificate ay hindi rehistrado sa Comune, halimbawa ay ipinanganak sa ibang bansa, ay kakailanganin ang italian translation nito, legalization at authentication.
Ayon sa artikolo 19 ng Testo Unico sull’Immigrazione, ang mga miyembro ng pamilya na nabanggit ay mayroong exemption sa expulsion bilang pagsunod sa batas ng ‘unità familiare’.
Ang ikalawang bagay na dapat suriin upang maging regular ang pananatili ng mga miyembro ng pamilya ay ang pamumuhay kapisan ng Italian citizen na kapamilya o ang tinatawag na ‘convivenza’. Sa katunayan, sa Italya ay pinahihintulutan na ang mga malapit na miyembro ng pamilya ng Italian citizen ay mamuhay kapisan ito.
Sa pagkakaroon ng dalawang kundisyong nabanggit, ay magbibigay ng carta di soggiorno per motivi familiare ang Questura kahit pa sa kasong iligal na pumasok o over stay ang kaso ng miyembro ng pamilya.
Upang magkaroon ng nabanggit na dokumento, hindi na kinakailangan pa ang patunayan ang pagkakaroon ng sapat na sahod. Sapat na ang Italian citizen ay gumawa ng deklarasyon na tinatawag na ‘dichiarazione di presa a carico’ kung saan tinatanggap ng italian citizen ang obligasyong pinansyal at tugunan ang mga pangangailangan ng undocumented na miyembro ng pamilya.