Ang part time domestic worker ba ay maaaring mag-aplay ng family allowance o assegni familiari? Paano?
Nobyembre 18, 2016 – Ang family allowance na mas kilala bilang assegni per il nucleo familiari o ANF, ay kumakatawan sa tulong pinansyal sa mga pamilyang higit na nangangailangan na ibinibigay ng Inps para sa mga manggagawang regular na naka-empleyo, full time o part time (kahit ilang oras lamang kada linggo) at regular na ibinabayad ng kontribusyon.
Kahit mga domestic workers: colf, babysitters at caregivers ay may karapatang makatanggap ng assegni familiari batay sa mga kundisyong itinalaga ng batas.
Bawat taon ay itinatalaga ng Inps ang pamantayang sahod upang matuklasan kung may karapatang matanggap o hindi ang benepisyo. Ang karapatang ito at ang halaga ng benepisyo ay batay sa sahod, sa bilang ng miyembro ng pamilya at sa bilang ng miyembro ng pamilya.
Ang circular ng INPS bilang 92 noong May 27, 2015 ay nagtakda ng mga bagong pamantayan ng family allowance para sa taong 2016.
Ang family allowance ay maaaring matanggap kahit na ang miyembro ng pamilya ay hinid residente sa Italya, kung mayroong kasunduan sa pagitan ng Italya at ng sariling bansa (ito ay palaging ipinagkakaloob sa mga Europeans). Para sa mga carta di soggiorno holders, ang benepisyo ay maaari ring ibigay kahit walang kasunduan. Ito ay dahil sa hinatulan ng Inps ang Hukom ng Brescia matapos hinging ibalik ang family allowance dahil ang mga miyembro ng pamilya ay residente sa bansang walang kasunduan ang Italya.
Ang family allowance ng Inps para sa mga colf at domestic workers ay nakalaan rin na pamilya na binubuo kahit ng mag-asawa lamang. Ibinibigay rin ito sa mga menor de edad na anak at para sa mga malalaking pamilya (na mayroong hindi bababa sa 3 anak) ay nakalaan naman ang partikular na uri ng family allowance, ang “assegni per i nuclei familiari numerosi”.
Ang benepisyo ay ibinibigay rin kahit na sa pamilya ay mayroong anak na higit sa 18 anyos, kapatid na babae at lalaki, pamangkin at iba pa ngunit sa mga kasong nabanggit ay may partikular na kundisyong hinihingi ang batas: tulad ng ang mga miyembro ng pamilya ay dapat na walang kakayahan o may kapansanan at wala dapat ibang kamag-anak o sila ay dapat na kwalipikadong “dependents”.
Ang kabuuang kita ng buong pamilya ay binubuo ng pinagsamang kita ng aplikante at ng mga miyembro na bumubuo sa pamilya at kailangang isaalang-alang ang kinita ng naunang taon sa panahon ng pag-aaplay: halimbawa para sa panahong July 1, 2015 hanggang June 30, 2016 ay kailangang isaalang-alang ang kabuuang sahod ng taong 2014. At dahil hindi lahat ng sahod ay naisasama sa kalkulasyon dahil ito ay hindi kabilang, halimbawa, ang halagang tinanggap bilang separation pay o ang halagang tinanggap bilang “accompagantori degli invalidi civili”.
Paano mag-aplay
Ang aplikasyon para sa assegni Familiari ANF 2016 ay direktang isinusumite sa INPS, gamit ang form “MOD ANF/PREST” sa pamamagitan ng mga sumusunod:
– Online, gamit ang PIN sa nakalaang pahina “Invio OnLine di Domande di prestazioni a Sostegno del reddito”.
– Contact Center, sa pamamagitan ng pagtawag sa 803164
– Patronati, na libreng nagbibigay ng kinakailangang serbisyo pati na ang pagsusumite online ng aplikasyon.
Paano natatanggap ang benepisyo
Ito ay direktang ibinibigay ng Inps sa mga domestic workers sa pamamagitan ng bank transfer sa personal current account ng aplikante o sa pamamagitan ng money transfer sa postal account, batay sa piniling pamamaraan ng aplikante sa pagsusumite ng aplikasyon.
Ang benepisyo ay dapat magsimula mula sa araw ng pagsusumite ng aplikasyon. Matatanggap rin ang benepisyo para sa lumipas na panahon (arretrati) para sa mga late applicants. Ang karapatan sa benepisyo ay ipinagkakaloob hanggang sa panahon ng limang (5) taon.
Mahalagang tandaan na ang family allowance ng INPS ay maaaring matanggap kahit tumatanggap na ng assegno per il nucleo familiare buhat sa munisipyong sumasakop sa tinitirahan na tumutukoy naman sa ibang uri ng tulong pinansyal sa mga pamilyang may mababang kita.
ni: Atty. Mascia Salvatore
isinalin sa tagalog ni: Pia Gonzalez-Abucay