Magandang araw. Nais kong papuntahin sa Italya ang aking asawa at anak. Paano po mag-aplay ng ricongiungimento familiare?
Nobyembre 23, 2016 – Ang pag-aaplay ng family reunification ay maaaring gawin ng dayuhang regular ang pananatili sa Italya sa pagkakaroon ng mga requirements na itinalaga ng batas.
Ang miyembro ng pamilya na maaaring papuntahin sa Italya sa pamamagitan ng family reunification ay ang sumusunod:
- asawa;
- menor de edad na anak (kahit ang magulang ay hindi kasal), ampon at ang nasa ilalim ng custody bilang legal guardians;
- magulang na higit sa 65 anyos, kung ang ibang anak sa sariling bansa ay hindi kayang tustusan ang mga ito dahil sa malubhang problema sa kalusugan;
- anak mula 18 anyos pataas sa pagkakaroon ng ilang partikular na kundisyon.
Ang aplikasyon ay maaaring gawin online sa pamamagitan ng website ng Ministry of Interior. Ipinapaalalang kailangang mag-register muna sa website. Pagkatapos ay i-click ang area riservata kung saan maaaring i-fill up at ipadala online ang form S, Richiesta di Nulla Osta per Ricongiungimento Familiare.
Sa form ay kailangang ilagay ang mga personal datas ng aplikante at ng papupuntahing miyembro ng pamilya. At samakatwid ay kailangang ilagay din ang mga detalye ng trabaho at ng sahod, at anumang karagdagang sahod mula sa ibang miyembro ng pamilya. Ito ay upang mapatunayan na matutugunan ang mga pangangailangan ng darating sa Italya.
Mayroon ding bahaging nakalaan sa tirahan o alloggio kung saan maninirahan. Kailangang ilagay din ang mga detalye na nasasaad sa idoneità alloggiativa buhat sa Comune at ang bilang ng mga naninirahan dito.
Pagkatapos ay tukuyin ang Italian Embassy sa Manila kung saan ibibigay ang entry visa for family purposes. Mag-iwan ng mga contacts para matanggap ang mga komunikasyon ukol sa aplikasyon. Pagkalagay ng mga detaye ng revenue stamp na nagkakahalaga ng 16 euros ay maaaring kumpirmahin ang katotohanan ng mga inilagay na datos. Ipadala ito online.
Ito ay ang unang hakbang lamang. Ang ikalawang hakbang ay ang appointment sa Sportello Unico per l’Immigrazione upang isumite ang mga orihinal na dokumento partikular ang ukol sa trabaho at sa sahod.
Sa sandaling makuha ang nulla osta, ay kailangang ipadala ito sa Pilipinas lakip ang ilang dokumentasyon. Ang miyembro ng pamilya sa Pilipinas ay kailangang magtungo sa Italian Embassy para mag-aplay ng entry visa o ang family reunification visa. Ang mga requirements ay matatagpuan sa website ng Italian Embassy sa Manila.
Basahin rin:
Ang tamang sukat ng bahay sa pag-aaplay ng family reunification
Family reunification. Maaari bang magkaiba ang tirahan?
Required salary ng family reunification para sa taong 2016
Paano ko makukuha ang aking magulang sa pamamagitan ng family reunification?