Ang mga dayuhang hindi regular sa bansa at mayroong expired na permesso di soggiorno mula October 2019, hindi na-update o nai-convert sa ibang uri ng permesso di soggiorno at bago ang petsang nabanggit ay nag-trabaho sa agriculture at domestic sector ay maaaring mag-aplay ng permesso di soggiorno temporaneo. Ito ay bahagi ng Regolarizzazione 2020, kilala rin sa tawag na Sanatoria o Emersione, na nasasaad sa DL Rilancio.
Ito ay balido ng anim na buwan mula sa petsa ng pagsusumite ng aplikasyon.
Ang mga aplikasyon ay maaaring isumite simula June 1 hanggang July 15, 2020, mula alas 7 ng umaga hanggang alas 10 ng gabi (maliban sa July 15 na hanggang 11.59pm).
Paano ang aplikasyon ng permesso di soggiorno temporaneo?
Bago mag-aplay, ang dayuhang aplikante ay kailangang bayaran muna ang ‘contributo forfettario’ na nagkakahalaga ng € 130,00, gamit ang F24 (RECT 2020). Ito ay matatagpuan sa mga bangko, uffici postali at sa website ng Agenzia delle entrate.
Ang permesso di soggiorno temporaneo ay maaaring i-aplay sa Sportello amico sa mga uffici Postali (5.700) sa bansa, gamit ang angkop na form. Ito ay nagkakahalaga ng € 30.
Sa pag-aaplay ay kakailanganin ang mga sumusunod:
- Balidong pasaporte o travel document;
- Nasa Italya sa petsang March 8, 2020;
- Patunay na nag-trabaho sa mga sektor na nabanggit bago ang Oct. 31, 2019.
Sa pagsusumite ng aplikasyon ng permesso di soggiorno temporaneo sa Posta, ay ibibigay sa dayuhan ang ricevuta postale na magpapahintulot:
- sa regular na pananatili sa bansa;
- pagkakataong makapag-trabaho sa mga nabanggit na sektor.
Matapos suriin ang aplikasyon ng Questura ay ibibigay ang permesso di soggiorno temporaneo sa dayuhan. Makalipas ang anim na buwan, ito ay maaaring mai-convert sa permesso di soggiorno per lavoro sa pagkakaroon ng employment contract sa mga sektor na nabanggit sa decreto.
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang website ng Ministry of Interior. (PGA)