Ang mga pangunahing probisyon sa pagpasok at pananatili sa Italya para sa trabaho ng mga dayuhan ay napapaloob sa Legislative Decree ng 25 Hulyo 1998, blg. 286 at sinusugan (mga artikulo 22 et seq.) At sa D.P.R. n. 394/1999.
Ang pagpasok sa bansang Italya para sa trabaho – lavoro subordinato o subordinate, kasama ang lavoro stagionale o seasonal at lavoro autonomo o self-employed – ay maaari lamang sa ilalim ng taunang batas kung saan nasasaad ang maximum na bilang o quota ng mga pinahihintulutang manggagawa.
Ito ay sa pamamagitan ng Decreto Flussi (maliban sa ilang uri ng trabaho na may pahintulot kahit walang batas o decreto), na ang pinakahuli ay noong nakaraang taon, 2020. Kasalukuyang hinihintay para sa taong 2021 ang susunod na decree.
Anu-ano ang mga hakbang na dapat gawin upang magkaroon ng trabaho sa Italya?
Ang employer na Italyano o dayuhang regular na naninirahan sa Italya na may sapat na requirements ay ang magpapadala ng aplikasyon o ang richiesta di nulla osta para sa employment ng dayuhan sa Italya. Ito ay unang hakbang na dapat gawin.
Ang aplikasyon para sa nulla osta al lavoro o authorization to work ay isina-submit sa pamamagitan ng angkop na plataporma online, matapos ang mailathala sa Official Gazete ng Italya ang taunang batas o Decreto Flussi batay sa mga pamamaraan na itinalaga ng angkop na ministerial circular bago ang itinakdang petsa ng pagsusumite ng aplikasyon.
Ang Sportello Unico per l’Immigrazione (SUI) ay ang nag-iisyu ng nulla osta, sa kundisyong ang aplikasyon o request na ipinadala ng employer ay:
- Pasok sa quota na itinatalaga taun-taon sa pamamagitan ng Decreto Flussi;
- Na walang manggagawang Italyano, EU o non-EU na rehistrado sa listahan ng mga walang trabaho (lista di collocamento) ang handang tanggapin ang partikular na trabaho;
- Na walang anumang hadlang mula sa Questura.
Ano ang mangyayari matapos isumite ang aplikasyon? Gaano katagal ang kailangang hintayin?
Narito ang standard procedure sa pag-aaplay ng nulla osta al lavoro.
I. Ang pag-aaplay ng nulla osta al lavoro
Ang aplikasyon ay ipinadadala online sa Sportello Unico per l’Immigrazione (o SUI) sa pamamagitan ng website ng Ministry on Interior ng employer na Italyano o ng dayuhang regular na naninirahan sa Italya. Ang iba’t ibang uri ang aplikasyon ay matatagpuan sa website ng Ministry of Interiorat sa pamamagitan nng SPID ay magkakaroon ng access dito.
Ang Sportello Unico per l’Immigrazione, na nasa mga Prefecture ay ang tanggapang responsabile sa buong proseso ng hiring ng mga workers, seasonal, subordinate o self-employed man.
Ipapadala online sa Direzione Territoriale del lavoro (DTL) at Questure ng SUI ang aplikasyong natanggap mula sa employer mga para sa mga pagsusuring kinakailangan para sa releasing ng nulla osta al lavoro
II. Ang pagsusuri ng DTL
Tatanggapin online ng SUI mula sa DTL ang ginawang pagsusuri nito alinsunod sa mga probinsyon ng collective labor agreement at financial capacity ng employer, pati na rin ang availability ng quota
III. Ang opinyon ng Questura
Samantala, hihingin din ng SUI sa Questura na alamin at suriin ang pagkakaroon ng mga hadlang ukol sa pagpasok at paninirahan ng dayuhan sa bansa pati na rin ang mga ukol sa employer.
IV. Ang releasing ng nulla osta al lavoro
Kung positibo ang resulta ng aplikasyon matapos ang mga pagsusuri, ang SUI sa loob ng 40 araw kung lavoro subordinato at 20 araw naman kung lavoro stagionale, mula sa pagsusumite ng aplikasyon ay magpapadala ng komunikasyon online sa employer ukol sa nulla osta at ito ay direktang ipapadala online (lakip ang codice fiscale) sa konsulado sa Pilipinas. Ang nulla osta per lavoro ay balido ng 6 na buwan mula sa issuance nito. (Ipinapaalala na sa puntong ito ay sasailalim din sa ‘verification’ sa POLO Italy).
V. Ang releasing ng entry visa
Ipagbibigay alam ng employer sa worker ang komunikasyon ukol sa nulla osta. Ito ay upang mag-aplay ng entry visa sa Italian embassy sa Pilipinas. Ang dayuhan ay maaaring pumasok sa Italya matapos matanggap ang entry visa. (PGA)
Basahin din:
Undocumented sa Italya: Regularization o Flussi?