Magandang umaga po,ako ay matagal ng naninirahan at nagta-trabaho sa Italya at mayroon po akong balidong permit to stay. Nais kong makarating ang aking mga magulang sa Italya buhat sa Pilipinas. Maaari ba akong mag-aplay ng riconogiungimento familiare?
Ang family reunification para sa mga magulang na naiwan sa sariling bansa ng mga dayuhang regular na naninirahan sa Italya ay maaari sa dalawang kaso lamang tulad ng nasasaad sa Testo Unico sull’Immigrazione (artikulo 29 decreto legislativo 1998). Partikular, maaari lamang hilingin ang ricongiungimento familiare para sa:
- magulang na dependent na walang ibang anak sa sariling bansang;
- magulang na higit sa 65 anyos kung ang ibang mga anak ay hindi kayang sustentuhan ang kanilang magulang dahil sa malubhang kapansanan.
Sa parehong sitwasyon ay kailangang magpakita ng sertipiko buhat sa awtoridad ng sariling bansa, translated at legalized ng Embahada o Konsulado ng Italya. Bukod dito, sa kaso ng “mabigat na pagdududa” sa antas ng relasyon o sa kakulangan ng mga sertipiko na magpapatunay nito, ay maaaring humingi ng DNA test.
May requirements din ukol sa sahod o kita at tirahan ng aplikante kung saan maninirahan ang mga magulang sa Italya.
Sa pag-aaplay ng family reunification ay kailangang isaalang-alang ang minimum salary required buhat sa legal na paraan na hindi bababa sa halaga ng social benefit o assegno sociale at tumataas ng kalahati ng halaga sa bawat dependent na papupuntahin sa Italya.
Sa taong 2015 ang halaga ng assegno sociale ay 5830,76 euros at samakatwid, upang maparating ang magulang sa Italya ay kailangan na ang sahod ay 8.746,14 euros, at para mapapunta sa Italya ang parehong magulang ay 11.661,52 euros.
Ang tirahan ay kailangang “alinsunod sa pamantayan ng kalusugan at angkop na tirahan, na pinatutunayan ng mga itinalagang tanggapan ng munisipyo”. Samakatwid, ang dayuhan ay kailangan mag-aplay sa Munisipyo ng sertipiko ng angkop na tahanan o ang tinatawag na certificato di idoneità alloggiativa.
Para sa mga magulang na higit sa 65 anyos ay nasasaad ang karagdagang obligasyon. Ito ay ang health insurance o polizza assicurativa na magko-cover sa lahat ng panganib sa bansa o ang pagpapatala sa National Health Service sa pamamagitan ng pagbabayad ng isang kontribusyon, ngunit ang posibilidad na ito ay ibinibigay lamang sa ilang Rehiyon ng Italya tulad ng Emilia Romagna, Veneto at Lombardia.