Ano ang mga maaaring kaharapin ng isang worker na nag-absent sa trabaho dahil sa pagkakasakit at hindi nakapagpadala online ng medical certificate?
Ang mga worker o ‘dipendenti’ sa Italya na nag-absent sa trabaho dahil sa nagkasakit ay may mga obligasyon. Kabilang sa pinakamahalaga, bukod sa pagbigay komunikasyon sa employer at pagiging handa at present sa oras sa visiting hours, ay ang pagpapadala online ng medical certificate.
Ang doktor ang magpapadala ng medical certificate para sa worker. Dahil dito, ay mahalaga na magpunta agad sa clinic o ambulatory mula sa unang araw ng paga-absent dahil sa sakit. Bagamat may ilang karapatan ang worker sa panahon ng kanyang pagkakasakit, kabilang dito ang pagtanggap ng ‘allowance’ na halos katumbas ng halaga ng sahod, salamat sa kontribusyon ng employer, mahalaga ring bigyang-pansin ang kanyang mga obligasyon. Dahil kung hindi susunod sa regulasyon, maaaring humantong ito sa ilang ‘parusa’ at sa mga pinakamatinding kaso, maaari itong maging sanhi ng termination o pagkatanggal sa trabaho.
Walang Medical Certificate, mga Epekto sa Workers
May mga epekto sa workers na nag-absent dahil sa sakit at hindi sumunod sa obligasyon ng pagbibigay komunikasyon ukol dito.
Kailangang malaman na ang obligasyong ito ay dapat sundin sa dalawang magkahiwalay na paraan. Una, ang komunikasyon ay dapat gawin agad sa employer. Pangalawa ay ang pagpunta sa doktor para sa check-up upang magkakaroon ng medical certificate.
Ang biglaang pagliban ng manggagawa ay maaaring magdulot ng abala sa operasyon ng kumpanya kaya’t kinakailangang magbigay agad ng abiso tungkol sa pagliban dahil sa sakit.
Pagkatapos nito, kailangang magpunta agad sa family doctor o medico di base na magbibigay ng prescriptions at ng medical authorization ng ilang araw na pagliban sa trabaho. Ito ay nasasad sa online medical certificate, na ipapadala direkta ng medico di base sa Inps at sa employer (sa kumpanya kung saan nagta-trabaho). Gayunpaman, ipinapayong ipagbigay-alam sa employer ang Puc code ng medical certificate na maaari nyang masuri.
Sa kawalan ng medical certificate at angkop na komunikasyon, may mga parusang nakalaan para sa worker. Sa kawalan ng mga nabanggit, ang pagliban sa trabaho ay maituturing na ‘unjustified’ at ang employer ay pinapayagang magpataw ng mga parusang nakasaad sa CCNL. Sa maraming collective agreements, ang pagliban na ‘unjustified’ ng higit sa tatlong magkakasunod na araw ay maaaring humantong sa termination o pagkatanggal sa trabaho para sa tamang dahilan o ‘giusta causa’.
Walang Medical Certificate, mga Epekto sa Inps
Isa pang mahalagang epekto ay hindi malalaman ng Inps ang kalagayan o ang pagkakasakit ng worker kung hindi maipapadala ang medical certificate. Dahil dito, sa mga araw ng pagkakasakit ay walang matatanggap ‘allowance’ mula sa Inps o sa employer.
Wala ring matatanggap na sahod at hindi rin kilalanin ang kontribusyon sa social security.
Bilang konklusyon, ang pagpapadala online ng medical certificate ay isang mahalagang obligasyon para sa mga workers na maga-absent dahil sa sakit. Ang hindi pagsunod sa obligasyong ito ay maaaring magdulot ng mga parusa o kahit pagkatanggal sa trabaho, pati na rin ang hindi pagtanggap sa mga benepisyo ng sick leave.
At samakatwid, mahalagang sundin ng mga workers ang itinakdang proseso ng batas para sa pagbibigay komunikasyon ng pagkakasakit at pagppadala online ng medical certificate upang mapangalagaan ang mga karapatan ng mga manggagawa at maiwasan ang mga nabanggit na parusa.